Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

Lawàng Bulúsan

lakes, water, Bicol, ecology, Bulkang Bulusan

Ang Lawàng Bulúsan ay matatagpuan sa timog-silangang bahagi ng Bulkang Bulusan, isang aktibong bulkan sa lalawigan ng Sorsogon, rehiyong Bikol. Ang lawa ang nagsisilbing pusod ng Bulusan Volcano National Park, na siyáng may lawak na 3672 ektarya. May elebasyon itong 360 m at lawak na 27.6 ektarya.

Ang lawà ay pinalilibutan ng kagubatan at maaaring isa sa mga bunganga ng bulkan. Matatagpuan sa ekosistema ng lawa ang ilang nanganganib na uri ng ibon, reptil, at ampibyan. Namamayani rin ang mga higanteng pakô, lawan, at mulawin.

Pinagkukuhanan ang lawà ng maiinom na tubig at irigasyon para sa mga taniman ng mga katabing pamayanan. Karatig din nitó ang ilang maiinit na bukal na umuugat sa bulkan.

Ilan sa mga kuwentong pinaniniwalaan ng mga matatanda ukol sa pinagmulan ng maganda at kahanga-hangang lawà ay ang kuwento ng pakikipaglaban ni Datu Bulan at ng kanyang mga kawal sa isang kakaiba at napakalaking itim na ibon na lumil-ipad-lipad sa kanilang pamayanan. Kilala ang datu sa buong Kabikulan dahil sa kanyang husay sa busog at panà. Isang umaga ay lumakad patungo sa gubat ang pangkat ni Datu Bulan. Kaagad nilang nakita ang malaking ibon na nakadapo sa sanga ng malaking puno. Nang makita sila ng ibon ay agad naman itong nagpalipad-lipad sa kanilang ulunan. Sabay-sabay na tinudla ng pana ng mga kasamag kawal ng datu ang ibon, ngunit nang pakawalan ni Datu Bulan ang kanyang pana, tumama ito sa dibdib ng ibon at bumagsak ito sa maliit na lawà. Naging kulay pula ang tubig sa lawà. Samantala, kitang-kita naman ng datu ang pagkawala ng kanyang mga kawal na waring hinigop ng tubig sa lawà. Unti-unting lumaki ang lawa hanggang sa kasalukuyang sukat nito ngayon. Mula nang malaman ng mga katutubo ang nangyari, tinawag nila ang lawà na Lawà ng Bulúsan na ang ibig sabihin ay “tubig na inagusan ng dugo.” (PKJ)

Cite this article as: Lawàng Bulúsan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/lawang-bulusan/