Lawàng Bulùan

lakes, water, geology, Mindanao, environment

Ang Lawàng Bulùan ang ikaanim na pinakamalaking lawà sa Filipinas at ikatlo sa Mindanao sa lawak na 6500 ektarya. Mababaw ang lawà sa lalim na 3–6 metro. Matatagpuan ito sa bayan ng Buluan sa lalawigan ng Maguindanao at sa mga bayan ng President Quirino at Lutayan sa Sultan Kudarat.

Bumubuhos ang lawà pahilaga sa Ilog Buluan na siyá na-mang bubuhos sa Ilog Mindanao. Pinaliligiran ang lawa ng mga pinák na mula sa mga sangay ng Ilog Mindanao, tulad ng Buluan at Pulangi. Nakasalalay ang kabuhayan ng libo-libong mamamayan sa lawà na ginagamit ito bilang pangisdaan ng tilapya, hipon, hito, at iba pang uri ng lamantubig. Ginagamit din ang mga water hyacinth, na malago sa panahon ng tag-ulan, sa paggawa ng mga katutubong bag, dekorasyon, at iba pang kagamitan. May mga palayan din sa paligid. Ngunit noong taong 2013 ay nagkaroon banta ng pagkasira ang lawàng ito dahil sa gawaing pagmimina sa Tampakan, South Cotabato. (PKJ)

Cite this article as: Lawàng Bulùan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/lawang-buluan/