Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

Lawàng Buhì

lakes, water, geology, Bicol, fisheries

Isa sa mga tanyag na lawa sa Rehiyong Bikol ang Lawàng Buhì at tirahan ng pinakamaliit na isda sa buong mundo, ang tabyos o sinarapán. Ang tubigan ay matatagpuan sa Buhi, Camarines Sur, tinatayang may lalim na walong metro at 1,800 ektaryang lawak na tubig-tabang na nása pagitan ng lambak ng dalawang matatandang bulkan sa rehiyon, ang Bulkang Malimas at Bulkang Iriga. May dal-awang teorya kung paano nabuo ang Lawàng Buhì. Ang una ay noong gumuho ang isang bahagi ng Bulkang Iriga sa isang paglindol noong 1641. Ang pagguho ng lupa ay nagresulta sa pagkabuo ng isang natural na dam na siyáng naging Lawàng Buhì. Sa ikalawang teorya naman, ang lawa ay nabuo nang pumutok ang Bulkang Asog.

Bukod sa isdang “sinarapán” (Mistichthys luzonensis), maraming nabubuhay na isda sa lawang ito kabilang na ang tilapya na komersiyal na pinaparami at inaani dito. Ang nakapalibot na kagubatan sa lawa ay tahanan din ng di-bababâ sa 25 uri ng mga ibon.

Ang Lawàng Buhì ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mamamayan sa bayang ito. Masigla at produktibo and industriya ng pangisdaan sa bayan ng Buhi. May nakatayô rin ditong isang planta ng idroelek-triko na kumukuha ng suplay ng tubig mula sa lawà. Ang Pambansang Administrasyon sa Irigasyon ay gumagamit din ng tubig mula sa lawà para sa irigasyon ng mga pa-layan at taniman sa mga bayan ng Rinconada kabilang na ang Lungsod Iriga.

Sa ngayon, nanganganib na mawala ang sinarapan dahil sa patuloy na polusyon sa tubig na nagmumula sa mga basurang domestiko at industriyal na itinatapon sa lawà. Gayundin, ang mga “fish cages” o kulungan ng isda na umuokupa sa halos 80 porsiyento ng lawa na nagdudulot ng pagkawala ng oksiheno sa tubig ng lawà. (AMP)

Cite this article as: Lawàng Buhì. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/lawang-buhi/