lawàan
Flora, trees
Ang lawàan ay matigas at malaking punongkahoy na umaabot nang 60 metro ang taas, dalawang metro ang diyametro, may bulaklak na mapusyaw na dilaw ang kulay, at ginagamit ang kahoy sa paggawâ ng kabinet, muwebles, panloob na dingding ng bahay, sasakyang-dagat, at playwud. Ang hinog na bunga nitó ay halos dalawang diyametro ang sukat; salit-salit naman ang mga dahon nitó na biluhaba at mapusyaw ang pagkaberde sa ilalim.
Ang lawáan ay may pangalang siyentipiko na Parashorea malaanonan, at kabilang ito sa pamilyang Diptero-carpaceae. Nagmula sa Tagalog na mala at anonong o custard apple ang pangalang siyentipiko nitó. Tinatawag din itong “ápnit,” “mayápis,” o “danlíg” sa maraming lugar sa Filipinas, “bagtíkan” para sa mga Hiligaynon, “hapnit” o “takóban” para sa mga Bikol, at “yawáan” para sa mga Manobo. Ang kahoy na nagmumula rito ay ibinebenta sa pangalang white lauan sa mga pamilihan.
Karaniwang tumutubò ang punongkahoy na ito sa mga pangunahing kagubatan sa mabababàng lugar. Naitatanim ito sa pamamagitan ng mga buto nang may dalawang metrong pagitan ang bawat isa. Matatagpuan ang mga punongkahoy na ito sa maraming bayan sa Filipinas, tulad ng Nueva Ecija, Bulacan, Laguna, Quezon, Agusan, Bukidnon, at Zamboanga. (ECS)