lawà
water, lakes, geology, Laguna de Bay, Lawang Bato
Ang lawà ay isang malaking lawas ng tubigan at hindi kumikilos ang tubig—ang ibig sabihin, naliligid ito ng lupa bukod sa isang ilog o ibang anyo ng kumikilos na tubigan na dumudaloy sa lawà o dinadaluyang palabas ng tubig nitó. Tila ito malaking palanggana na malalim ang pusod. Ito ay nakapaloob sa isang anyong-lupa at hindi bahagi ng dagat. Maaari itong likás o gawa ng tao. Maraming artipi-syal na lawà para sa gamit haydroelektriko, pampaganda ng tanawin, gamit industriyal at agrikultural, at imbakan ng tubig. Sa Filipinas, ang “Lawàng Caliraya” ay halimbawa ng lawàng likhang tao mula sa pagpigil sa tubig ng Ilog Caliraya.
May tinatawag na “Limnolohiya” o pag-aaral ng mga lawas ng tubig na naliligid ng lupa at kaugnay na mga eko-sistema. Hinati ng Limnolohiya ang lawà sa tatlong sona: ang nakahilis na sona malapit sa lupa, ang nakabukás sa masaganang sinag ng araw, at ang malalim na sonang hindi halos napapasok ng sinag. Apektado ng sona ang kulay ng tubig at ang mga organismo sa tubig.
Pinakamalalim ang “Lawàng Baikal” sa Siberia na may pusod na 1,637 metro. Pinakamahabà ang “Lawàng Tan-ganyika” na may habàng 660 kilometro. Pinakamataas na-man ang lawà sa bunganga ng “Ojos del Salado” na nása 6,390 metro ang taas. Pinakamababà ang “Dagat na Pa-tay” (Dead Sea) sa hanggahan ng Israel at Jordan at 418 metro sa ilalim ng nibel ng dagat.
Ang mga lawà sa Filipinas ay karaniwang likha ng lindol at pagsabog ng bulkan. Maraming maliit na lawà na nása bunganga ng bulkan. Halimbawa, ang pinabago ay ang “Lawàng Pinatubò” na isa rin sa pinakamalalim sa bansa. Ilan sa popular na lawà ay “Laguna de Bay,” Lawàng Taal, at Lawàng Danaw. Ang Lawàng Laguna o Laguna de Bay ang pinakamalaking likás na lawà na matatagpuan sa ban-sa. Ito ay may laking 2, 920 kilometro kuwadrado at naliligid ng mga lalawigan ng Laguna at Rizal. Ang Lawàng Laguna ay isa ring malaking palaisdaan at napagkukunan din ng enerhiya sa pamamagitan ng tatlong hydroelectric power station na nagbibigay ng 300 watt ng koryente sa Laguna. Ang “Lawàng Taal” ay nása loob ng Bulkang Taal sa Batangas. Isa itong paboritong pasyalan at bantog sa isdang maliputó at tawilis. Marami rin ang umaakyat sa Lungsod Tagaytay upang pagmasdan mula doon ang magandang lawà. Ang “Lawàng Lanao” ay isang tektoni-kong lawà sa Lanao del Sur. Ito ang pinakamalaking lawà sa Mindanao.
Maraming lawà na tulad ng Lawàng Lanao ay may pangalang “dánaw.” Ang totoo, may ganitong ugat ang “Mindanao.” Ang “dánaw” ay singkahulugan ng “lawà” sa maraming wika ng Filipinas. Sa gayon, ang pan-galang “Lawang Lanao” ay nangangahulugang “lawàng lawà.” May panukala ngang ipalit ang salitàng “danaw” sa “lawà” sa pagtawag sa mga pangalan ng lawà. Ang lawà ay lake sa Ingles at laguna sa Español. Kayâ ka-katwa din ang pangalan ng “Lawàng Laguna” gayundin ang “Laguna de Bay.” Ang “bay” ay dapat bigkasing “ba -i” (may dalawang pantig) at isang matandang Taga-log na nangangahulugang “lawà.” (VSA)