Jose P. Laurel

(9 Marso 1891–6 Nobyembre 1959)

Sa panahon ng Pananakop ng mga Hapones ay nagtayô ng isang pamahalaan noong 14 Oktubre 1943 at itinuturing itong Ikalawang Republika ng Filipinas. Si Jose P. Laurel (Ho·sé Pi Law·rél) ang nahalal na pangulo ng naturang pamahalaan.

Isinilang si Laurel sa Tanauan, Batangas noong 9 Marso 1891 kina Sotero Laurel at Jacoba Garcia. Nagtapos siyá ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas at ikinasal sa kaeskuwelang si Paciencia Hidalgo. Nagkaroon silá ng siyam na anak at ilan ang humawak din ng mataas na tungkulin: si Jose Laurel Jr. na naging ispiker ng Mababàng Kapulungan (1953–1957), si Sotero Laurel na naging pangulo ng Lyceum of the Philippines, at si Salvador Laurel na naging pangalawang-pangulo ng Filipinas (1986–1991).

Dahil sa talino, ipinadalá siyáng pensiyonado sa Yale University. Pagkatapos, nag-aral siyá ng pilosopiyang political sa Oxford University. Pagbalik ay humawak siyá ng iba’t ibang tungkulin sa gobyernong Americano hanggang kumandidato noong 1925 at manalong kinatawan sa Asam- blea. Naging majority floor leader din siyá sa Senado at delegado sa 1935 Kumbensiyong Konstitusyonal, at naglingkod na kagawad ng Kataas-taasang Hukuman. Sa panahon ng digma, hinirang siyá ni Quezon na Kalihim ng Katarungan, at sa ilalim ng mga Japanese ay hinirang si- yáng Komisyoner ng Katarungan at pagkatapos ay Komisyoner Panloob sa Philippine Executive Commission sa ilalim ni Jorge B. Vargas. Nahalal siyáng pangulo ng Filipinas ng itinatag na Ikalawang Republika sa ilalim ng mga Japanese. Nása Japan siyá nang makabalik ang mga Amer- icano at kasáma doon ang pamilya at ilang lider na sina Camilo Osias ng edukasyon, Ispiker Benigno S. Aquino, at Hen. Mateo Capinpin.

Isa siyá sa mga inihablang kolaboreytor ngunit nabigyan ng amnestiya ni Pangulong Manuel A. Roxas. Kumandidato siyáng senador noong 1953 at nagwagi. Bahagi ng tagumpay niya ang “Kasunduang Laurel-Langley” na nagtatakda ng panahon para sa pag-iral ng karapatang parity hanggang 3 Hulyo 1974. Pumanaw si Laurel noong 6 Nobyembre 1959 dahil sa atake sa puso. (VSA)

Cite this article as: Laurel, Jose P.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/laurel-jose-p/