latìan
geology, water, swamp, biodiversity, ecology
Ang latìan o latì (tinatawag ding “pinák”) ay mababàng lupain na malimit bahain o pamahayan ng tubig, at karaniwang maputik. Maaari itong tumukoy sa swamp, basâng lupain na magubat at may matataas na punongkahoy, at sa marsh, basâng lupain na tinutubuan ng mga yerba at mabababàng punongkahoy. Depende sa lokasyon, ang tubig sa latìan ay maaaring tubig-dagat, tubig-tabsing, o tubig-tabáng (ilog o lawa).
Nakaugalian nang ituring ang mga latìan bilang lupaing mababà ang halaga kung ihahambing, halimbawa, sa kapatagan, dahil sa limitado lámang ang mga posibleng gawain ng tao dito. Maraming latìan sa buong daigdig at sa Filipinas ang tinakpan o hinigupan ng tubig upang mapakinabangan para sa agrikultura o kabihasnan, tulad ng ngayon ay sentro na ng komersiyo na Lungsod Maka-ti. Ang iba naman ay ginagawang palaisdaan at iba pang anyo ng akwakultura. Nitóng mga nakaraang dekada lá-mang napagtanto ang tunay na halaga ng mga latian bilang lunan ng saribúhay (biodiversity) at kritikal na bahagi ng ekosistema. Maraming uri ng halaman at hayop ang naninirahan sa mga latian, at nagtutustos ang mga ito ng oksihena at nagdadalisay ng maruming tubig.
Bilang kapuluan na tigib sa tubig na hatid ng ulan, ilog, at dagat, namumutiktik ang Filipinas sa mga latian at pinak. Ilan sa pangunahing basâng-lupain (wetland) ng bansa ay ang Pinak Candaba sa Gitnang Luzon, Pinak Agusan sa hilagang-silangang Mindanao, at Pinak Liguasan sa timog-kanlurang Mindanao. Matatagpuan sa mga latiang ito ang nanganganib na Philippine Duck (Anas luzonica) at nagsisilbing himpilan ng mga migratoryong ibon. Matatagpuan ang ilan pang halimbawa ng latian at pinak sa pulo ng Olango sa Cebu, Look Maynila sa Cavite, at Lawang Sebu sa Mindanao.
Upang mapangalagaan, ipinahayag ang ilan sa ating mga latian bilang Pambansang Parke o Game Refuges and Bird Sanctuaries, ngunit kinakailangan pa rin ang walang- maliw na pagtatanod sa mga lupaing ito. Nitóng mga nakaraang taon, mayroon ding mga pagsubok na tanimang muli ng mga bakawan at iba pang halaman ang mga lupaing kinalbo, o kayâ’y protektah-an at gawing atraksiyon para sa mga turista ang mga naiiwang kagubatan ng bakawan, tulad ng sa “Katunggan it Ibajay” sa Aklan. (PKJ)