Hilario Lara
(15 Enero 1894-18 Disyembre 1987)
Si Hilario Lara (Hi·lár·yo Lá·ra) ang itinuturing na “Ama ng Makabagong Pampublikong Kalusu- gan sa Filipinas.” Nagpakadalubhasa siyá sa epidemolohiya upang makahanap ng solusyon laban sa pagkalat ng epidemya at nakamamatay na sakít. Ang kaniyang pagsisikap ay nagbunsod ng isang pambansang gawain upang itaas ang antas ng kalidad ng kalusugan sa mga pamayanan. Nagbigay daan ito upang mapigil ang paglaganap ng kolera, dipterya, pagtatae, tipus, disenteriya, at tigdas sa Filipinas. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 1985.
Ginugol ni Lara ang malaking bahagi ng kaniyang buhay sa paglilingkod sa mga pampublikong ospital bilang doktor o administrador. Sa katanuyan, siyá ang nagtatag ng ilang ospital at institusyong pangkalusugan sa bansa. Itinayô niya ang San Fernando, La Union Hospital noong 1921 sa tulong ng pagkakawanggawa ng United Brethren Mission. Siya rin ang namunò sa pagtatag ng School of Sanitation and Public Health sa Unibersidad ng Pilipinas at ng UP Health Service sa Diliman. Binigyang buhay ni Dr. Lara ang pagbibigay ng serbisyong medikal sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagtatayô ng unang pampublikong sentro sa kalusugan sa Binangonan, Rizal at sa Paco, Maynila. Bagaman abala sa gawaing administrasyon, nagawa pa rin ni Lara na gampanan ang iba-ibang tungkulin sa pamahalaan bilang opisyal ng Philippine Health Service, katuwang na kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan at Pampublikong Kalinga, kinatawan ng Filipinas sa United Nations International Health Conference, at kagawad ng lupon ng mga dalubhasang tagapayo ng World Health Organization.
Si Dr. Hilario Lara ay isinilang noong 15 Enero 1894 sa Imus, Cavite. Nagtatrabaho siyá hábang nag-aaral ng medisina sa UP. Nang makatapos ng kursong medisina noong 1919, ipinadalá siyá ng pamahalaan sa Johns Hopkins University bilang isa sa mga iskolar ng Rockefeller Foundation. Sa Johns Hopkins niya nakuha ang masterado at doktorado sa pampublikong kalusugan. Nagpakadalubhasa siyá sa pag-aaral ng epidemolohiya, bakteryolohiya, imunolohiya, biyoestadistika, at pangangasiwa ng pampublikong kalusugan. Maningning na ehemplo si Lara ng walang sawang paglilingkod sa bayan hanggang mamatay noong 18 Disyembre 1987. (SMP)