Lapulápu

(1491–1542)

Kinikilála si Lapulápu bilang unang Filipinong nagtanggol sa kalayaan laban sa mga Español, at unang bayani ng bansa.

Si Lapulapu ang datu ng Mactan, isang maliit na isla malapit sa Cebu. Nang  dumating sa Filipinas si Fernando de Magallanes ay iniatas nito sa ilang pinunò ng barangay sa Cebu  na  magbayad  ng buwis sa mga Español. Nabalitaan ito ni Lapulapu at mahigpit niyang tinutulan ang mapailalim sa dayuhan. Noong 27 Abril 1521, nilusob ng pangkat ni Magallanes ang Mactan. Sa Labanang Mactan ay napatay siyá ng mga tauhan ni Lapulapu.

Noong 1961, naging lungsod ang bayan ng Opon sa isla ng Mactan at pinangalanang Lungsod Lapulapu. Dalawang prominenteng bantayog ang itinayô para sa bayani: isa sa Dambanang Mactan at isa sa Rizal Park sa Maynila. Makikita ang kaniyang imahen sa sagisag ng Philippine National Police at sa lumang isang sentimong barya ng Bangko Sentral ng Pilipinas. (PKJ)

Cite this article as: Lapulapu. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/lapulapu/