lápulápu

Fauna, fishes, aquatic animals, fisheries, endangered species

Ang lápulápu ay isda na kabilang sa pamilya Serranidae. Makikita ito sa dagat Indo-Pasipiko, timog Africa, timog at hilagang Australia. Maraming uri ng lápulápu at ang pinakamarami ang nása grupo ng Epinephelus. Itinuturing itong pinakamalaking isda na makikita sa tangrib. Pagdating sa tamang edad, nagpapalit ng kasarian ang halos lahat ng lápulápu, maliban sa Nassau o Epinephelus striatus. Mas madalas, may mga babaeng lápulápu na nagiging lalaki sa pagsapit ng tamang edad.

May tatlong tinik ang talukap ng hasang ng isang lápulápu. May 7–12 tinik ang palikpik nitó sa likod at kadalasang bilugan o hugis buwan ang buntot. Nakalabas ang panga ng isang lápulápu kahit sarado ang bibig. May mga lápulápu rin na kulay mapusyaw na malaberdeng abo o kayumanggi at may bilog at matingkad na batik ang katawan at ulo. May mga batik din sa palikpik ng likod, buntot at puwit, at may makikitang linya sa katawan ng mga ito.

Kadalasan ding naglalagi ang lápulápu sa ilalim ng tubig at doon kumakain ng mga isda, banagan, maliliit na pating, at batàng pawikan. Ang pinakamalaking naitalâ ay umabot ng tatlong metro at may bigat na 400 kilo. Maaaring may lason na kung tawagin ay ciguatera ang ibang malalaking uri kayâ dapat mag-ingat sa pagkain nitó.

Karaniwang hinuhúli ang isdang ito sa pamamagitan ng kawil na ginagamitan ng buháy na pain. Buháy na ibinebenta ang lápulápu sa mga restoran. Tulad ng iba pang lamang-dagat, nanganganib maubos ang lápulápu dahil sa mabagal nitóng paglaki, at sa paghúli ng mga lápulápung mangingitlog. Maituturing na halos kalahati ng 101 uri ng lápulápu ang nanganganib na maubos. (MA)

 

Cite this article as: lápulápu. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/lapulapu-2/