Ricardo M. Lantican
(8 Enero 1933—)
Si Ricardo M. Lantican (Ri·kár·do Em Lan·tí·kan) ay dalubhasa sa henetika at pagpapalahi ng halaman. Nagamit ng maraming bansa ang kaniyang mga pananaliksik upang paunlarin ang lahi ng iba’t ibang uri ng halaman at butil. Pinangunahan niya ang paglikha ng bagong uri ng munggo na may kakayahang labanan ang sakit na Cercospora, isang funggus na nagdudulot ng batik sa dahon at pumapatay ng tanim. Kilalá rin si Lantican sa kaniyang mahalagang pag-aaral hinggil sa natural na kahinaan ng mais sa sakit na corn leaf blight na sumisira sa malawak na taniman. Ang kaalamang natuklasan niya ay naging susi sa pagpapalaganap ng kahalagahan ng pagtatanim ng iba’t ibang uri ng mais. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 5 Disyembre 2005.
Unang pinag-aralan ni Lantican ang natural na estruktutura at morpolohiya ng halaman. Nagbigay daan ito upang matuklasan niya ang mga bago at mas maunlad na lahi ng tanim. Noong dekada 1960, pinamunuan niya ang isang pangkat ng mga mananaliksik sa paglikha ng bagong uri ng munggo na hindi tinatablan ng sakit na Cercospora. Kapag ito’y umatake sa dahon, malaki ang posibilidad na mamatay ang apektadong tanim. Sa pamamagitan ng pag-aaral ni Lantican, naiwasan ang palagiang pagkasira ng mga halamang butil.
Ang mga plantasyon ng mais ay karaniwang gumagamit ng sistemang monokultural. Natuklasan ni Lantican na ang paulit-ulit na pagtatanim ng iisang lahi ng mais ay nagpapalalâ sa corn leaf blight, isang uri ng sakít na pumapatay sa buong tanim. Binigyan niya ng pansin ang kahalagahan ng pagtatanim ng iba’t ibang uri ng mais at pagpapaunlad ng mga bagong lahi. Ang kaniyang pag-aaral at ang karanasan ng Filipinas sa pagtatanim ng hybrid ng mais ay nagamit ng mga dalubhasa sa Estados Unidos upang iligtas ang industriya ng maisan laban sa malawakang pag- kasira.
Nakapagtapos si Lantican ng Batsilyer sa Agham ng Agrikultura sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1954. Tinapos niya ang Master sa Siyensiya ng Plant Breeding sa North Carolina State College noong 1956 at doktorado sa Plant Genetics sa Iowa State University noong 1961. Nagpatuloy siya ng pagtuturo ng agronomiya sa UP Los Baños at pinamunuan niya ang Institute of Plant Breeding ng pamantasan. Nagsilibi rin siyá bilang pangalawang kalihim para sa pananaliksik ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya. (SMP)