langkâ

Tags: Flora, fruits, trees, medicinal plants

Ang langkâ ay isa sa mga kilalang prutas sa Filipinas. Tinatawag din itong “lanka” (Ilokano), “nangka” (Bisaya, Tagalog, Ibanag) at “nanka” (Bisaya at Sulu). Makinis ang punò nito na may taas na 8 hanggang 15 metro. Ang punò ng langka ay karaniwang ginagamit sa paggawa ng bahay. May mga gitara at ukulele ring gawa sa langka. Ang dahon nito ay salit-salit, matigas, patambilog na pahabâ at may habàng 7–15 sentimetro. Ang prutas ng langka ay nakalawit sa mga sanga ng punò. Pahabâ ang hugis nito, kulay berde hanggang sa manilaw-nilaw at may maliliit na tusok-tusok ang balat, at kulay dilaw naman ang lamán nito. Ang langka ay tumutubò sa buong Filipinas na may mababà hanggang katamtamang altitud.

Maraming pinaggagamitan ang langka. Ang prutas nito ay mataas sa carbohydates pati na sa bitamina C. Ang hinog na prutas ng langka ay mabisang pampurga subalit kapag sobra ang kain, pagdudumi ang nagiging epekto nito. Ang murang prutas naman nito ay iniluluto at kalimitang itinuturing na gulay. Ang hindi pa hinog na prutas ng langka ay ginagawa ring atsara. Ang mga buto nito ay karaniwang inilalaga at mataas ito sa arina. May paniniwala ring ang inihaw na buto ng langka ay isang aphrodisiac.

Ang ugat ng langka ay ginagamit sa pagpigil ng paglalâ ng sakit na hika, pagdudumi, at lagnat. Ang abo mula sa sinunog na dahon ng langka ay nilalagyan ng langis upang gamiting pamahid sa mga sugat at sa may masakit na tiyan.

Ang bunga ng langka ay ginagamit ding pampalasa sa lambanog. May paniniwala ang mga Filipino na nakatutulong ang langka upang tumaas ang sangkap na alkohol ng lambanog. Ang balat ng kahoy naman ay ginagamit sa paggawa ng lubid at damit. (ACAL)

 

Cite this article as: langkâ. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/langka/