langgám

Fauna, ants, insects, biodiversity, ecology

Ang langgám ay isang uri ng kulisap (pamilyang Formicidae) na maliit, may sungot, walang pakpak maliban sa ilang tigulang, at mala-ugpungang estruktura ng manipis na baywang. Sinasabing nang-gáling ito sa mga mala-putakting ninuno ng gitnang Cretaceous o 110–130 milyong taon na ang nakalilipas at nag-karoon ng iba’t ibang espesye nang umusbong ang mga halamang namumulaklak. Tinatáyang nása 12,500–22,000 species ang kasalukuyang naklasipika.

Bumubuo ito ng kolonya ng ilang dosenang langgam na naninirahan sa mga maliit na natural na bitak o kayâ naman ng organisadong kolonya na sumasakop ng malalawak na teritoryo at kinabibilangan ng milyon-milyong langgam. Ang malalaking kolonya ay karaniwang binubuo ng mga babaeng langgam na walang pakpak, hindi maaar-ing mangitlog, at nagsisilbing manggagawa o sundalong langgam. Mayroon ding mga fertil na lalaking langgam na tinatawag na drones at isa o higit pang fertil na babaeng langgam na tinatawag na reyna na may tungkuling man-gitlog at magdagdag ng miyembro ng kolonya.

Naninirahan ang mga langgam sa halos lahat ng bahagi ng mundo maliban sa Antartica. Mayroon itong masasalimuot na pugad na gawa sa lupa at ilang bahagi ng halaman at matatagpuan sa punongkahoy, lupa, ilalim ng bato o kahoy, at maging sa mga puwang sa mga dingding o sahig ng bahay. Ang tagumpay ng langgam sa iba’t ibang kaligiran ay sinasabing may kinalaman sa organisasyong panlipunan ng mga ito, kakayahang baguhin ang tirahan, humanap ng pagkain, at protektahan ang kolonya.

Nag-uusap-usap ang mga langgam sa isa’t isa sa pamamagitan ng tinatawag na pheromone, tunog, at hipo. Nakikilála nitó ang amoy sa pamamagitan ng mahabà, manipis, at mobil na antena. Karaniwang nag-iiwan ito ng pheromone sa lupa na nagsisilbing gabay na daan sa paghahanap ng pagkain. Bukod dito, ang napatay na langgam ay naglalabas ng isang alarmang pheromone na naghuhudyat sa ibang malalapit na langgam na umatake sa kalaban at gayundin ay tumatawag ng dagdag na puwersa mula sa malayò. Ang ilang espesye naman ay gumagamit ng propagandang pheromone para lituhin at pag-awayin ang ibang kalabang langgam.

Kilalá ang mga langgam sa Filipinas hindi lamang bilang insektong nakikita sa araw-araw kundi pati sa mga pabula. Kagaya ng natural na katangian nitó, larawan ang lang-gam ng pagiging masinop, maagap, matiyaga, at masipag. Ipinakita sa pabulang “Langgam at Tipaklong” ang kahalagahan ng pag-iimpok sa anumang oras lalo na kapag may paparating na panahon ng kahirapan at kalamidad. Sa “Ang Ibon at Ang Langgam” naman, itinuturo ang ka-halagahan ng paggawa ng mabuti sa kapuwa dahil aani rin ito ng kabutihan balang araw. Noong Hunyo 2012, may nadiskubreng 40 bagong uri ng langgam sa kagubatan ng Mt. Isarog. (KLL)

 

Cite this article as: langgám. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/langgam/