Lang Dúlay
Si Lang Dúlay ay tubòng Lawang-Sebu, South Cotabato at pinagkalooban ng Gawad Manlilikha ng Bayan noong taóng 1998 dahil sa pagpapanatili niya sa tradisyon ng mga Tiboli sa pamamagitan ng patuloy na paghahabi ng “tinálak.” Bukod sa kaniyang kahusayan sa paghabi, ki- nikilala rin siya bilang isang “Bo-I,” isang nakatatandang iginagalang sa kanilang komunidad.
Isa ang tinalak sa mga pagkakakilanlan ng mga Tiboli. Noong unang panahon, pinahahalagahan ito hindi lamang dahil sa angkin nitong kagandahan kundi pati na rin sa halaga. Katumbas nito ang kabayo o baka sa pakikipagkalakalan at ipinagkakaloob na bigay-kaya sa pakikipag-isang-dibdib.
Natutong humabi ng tinalak si Lang Dulay sa edad na12. Sa kasalukuyan, nakagagawa na siya ng mahigit 100 disenyo. Bukod sa mga itinuro ng kaniyang inang si Luan Senig, hinahango niya sa mga panaginip ang kaniyang mga disenyo. Dahil dito,tinagurian siyang “Tagahabi ng mga panaginip ng mga Tiboli.” Kabilang sa mga disenyong ito ang “bulinglangit” (mga ulap), “bankiring” (bangs), at “kabangi” (paruparo).
Bawat disenyo, pati na rin ang kulay, ng kaniyang mga likha ay sumisimbolo sa tradisyon at kultura ng mga Tiboli. Kinakatawan ng pula ang katapangan, paninindigan, at pagmamahal ng mga Tiboli samantalang ang itim ay sumasagisag sa kanilang pagpupunyagi bilang isang lipi. Sa edad na mahigit 90, patuloy pa rin sa paghahabi si Lang Dulay bagaman hindi na siya gumagamit ng back strap loom o rolyo ng tinalak na isinusuot ng tagahabi upang magkaroon ng tensiyon ang tela. Isinasagawa na lang niya ang “mebed” o ang paglalagay ng disenyo sa pamamagitan ng pagtatali. Kabilang sa disenyo ng tinalak na nilikha niya ang kaniyang “pirma”—ang nakahabing pangalan niya sa dulo ng tela. Ibinabahagi ni Lang Dulay ang kaniyang kaalaman sa pamamagitan ng pagtuturo ng sining na ito sa kababaihang Tiboli. Namatay si Lang Dulay noong 30 Abril 2015 dahil sa mild stroke. (GB)