lambák
Geology, valley, flood plain
Isang malaki at mababàng lupain ang lambák, karaniwang naliligid ng matas na buról o bundok at pinaglalagusan ng isang ilog. Kapuwa pinatatabâ ng lupang gumuguho mula sa bundok at ng lupang tinatangay ng ilog ang lambak. Ang unang mga malaking lipunan ng tao ay isinilang sa mga “lambák ilog,” gaya ng mga nabuo sa pasigan ng Nilo, Tigris-Euphrates, Ganges, at Yantze. Nagdudulot din ang ilog ng pagkain (isda at halamang-tubig), tubig na inumin, panlaba, at pampa-tubig sa bukirin.
Ang sahig ng isang pangunahing lambak ay karaniwang malawak. May lapad itong isa hanggang sampung kilometro at tigib sa latak ng bundok. Gayunman, sinusuri ang kasaysayan nitó sang-ayon sa pinagdaanan at maaaring pagdaanang panganib, gaya ng avalanche, o malaki-hang pagguho ng bundok, at bahâ.
Dalawang malaking lambak sa Filipinas ang Lambak Cagayan at Lambak Compostela. Ang “Lambák Cagay-an” ay may lawak na 31, 159 kilometro kuwadrado at matatagpuan sa Rehiyon 2—sa pagitan ng kabundukang Cordillera at Sierra Madre, hinihiwa ng Ilog Cagayan na pinakamahabàng ilog sa bansa at dumadaloy hanggang Aparri, Cagayan. Ang “Lambák Compostela” ay may lawak na 4,479.44 kilometro kuwadrado at isa na ngayong lalawigan sa Rehiyong Davao sa Mindanao. Dati itong ba-hagi ng Davao del Norte at naging isang probinsiya noong 1998 sa pangalang Compostela Valley o Comval. (VSA)