lalawígan
Ang lalawígan ang pangunahing politikal at administratibong dibisyon ng pamahalaan ng Filipinas. Tinatawag din itong “probinsiyá” (provincia). Nagsisilbi itong mekanismo upang mahusay na maipatupad ang mga prosesong pangkaunlaran at instrumento ng epektibong pama- mahala. Binubuo ang isang lalawígan ng grupo ng mga munisipalidad at lungsod. Maaaring gawing lalawigan ang isang teritoryo kung ito ay may taunang kita na hndi bababâ sa dalawampung milyong piso (P20,000,000.00), may saklaw na 2,000 kilometro kuwadrado, at may minimum na populasyong hindi bababâ sa 250,000. Tanging ang Kongreso ng Filipinas ang may kapangyarihang lumikha o bumuwag ng isang lalawigan subalit kailangan pa itong ratipikahan ng mayorya ng apektadong mamamayan sa pamamagitan ng plebesito. Pinamumunuan ang lalawigan ng isang “gobernadór” at “pangalawang gobernadór.” Mayroon din itong “Sangguniang Panlalawigan” na binubuo ng mga halal na “bokál” (board member) at nagsisilbing lokal na batasan.
Ang ipinatupad na sistemang “engkomiyénda” (encomienda) ng mga mananakop na Español ang nagsilbing unang binhi sa paglikha ng mga lalawígan sa Filipinas. Noong unang yugto ng 1700, ang kalakhan ng mga engkomiyenda ay napalitan ng mga alcaldia o probinsiyá. Pinanatili at pinalawak pa ng mga mananakop na Americano ang politikal na dibisyong itinatatag ng mga Español. Hinihirang noon ng gobernador heneral ang alkalde mayor at may ganap na kapangyarihang administratibo at huridiko.
May kabuuang 80 lalawigan ang Filipinas ayon sa senso ng Setyembre 2011. Sa lawak, pinakamalaki ang Palawan (1,703,075 ektarya) at pinakamaliit ang Batanes (21,901 ektarya). Sa dami ng populasyon, Cavite ang pinakamalaki (2,856,765) at Batanes ang pinakakaunti (15,974). May iba’t ibang klasipikasyondin ang mga lalawigan batay sa taunang kita: Una o primera na may taunang kita na higit sa P450 milyon; pangalawa o segunda na may taunang kita na P360 milyon hanggang P450 milyon; pangatlo o tersera na may taunang kita na P270 milyon hanggang P360 milyon; pang-apat na may taunang kita na P180 milyon hanggang P270 milyon; panglima na may taunang kita na P90 milyon hanggang P180 milyon; at pang-anim na may taunang kita na mababà sa P90 milyon. (SMP)