Lál-lo

Ang bayan ng Lál-lo ay matatagpuan sa probinsiya ng Cagayan. Sa kanlurang bahagi nitó ay ang bayan ng Allacapan, Camalaniugan sa hilaga, Gattaran sa timog, at  Sta Teresita at Gonzaga sa Silangan. Kinikilála ito bílang isa sa unang apat na siyudad sa panahon ng Español, kasáma ang Cebu, Manila at Naga. Ang Lal-lo ang unang naging kabesera ng Cagayan hanggang noong 1839 at ilipat ang kabesera sa Tuguegarao.

Ang bayang ito ay unang pinangalanang Nueva Segovia ni Juan Pablo Carreon noong 1581. Ngunit ang diyosises ng Nueva Segovia na ginawa ni Pope Clement VIII ay inilipat sa Vigan noong 1755. Ang unang mga nanirahansa lugar ay mga Ibanag, na ang karamihan ay mga babae at ang pangunahing gawain paghahabi. May dalawang kuwento na pinaniniwalaan niláng pinagmulan ng pangalan ng lugar. Ang una ay nagmula ang pangalang Lal-lo sa “il-lo-k,” Ibanag na salita para sa isang hibla. Ang pangalawa, nagmula ang pangalan ng bayan sa salitâng Ibanag na “mal-lal-lal-lo” na ang ibig sabihin ay malakas na agos ng tubig sa Ilog Cagayan.

Nakilála rin ang lugar dahil sa mga kabibe na pangunahing ikinabubúhay ng mga tao roon. Makikita rin dito ang Tulay Magapit na kilalá sa bansag na “Golden Gate of Cagayan” at isa sa dalawang tulay na dumaraan sa Ilog Cagayan. Ilan pa sa maaaring dalawin ay ang Simbahan ng St. Dominic de Guzman at ang “cotta” na isang moog na katulad sa pader na makikita sa Intramuros.(ELBJR)

Cite this article as: Lal-lo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/lal-lo/