Lakandúla
(sk. 1558–1571)
Si Lakandúla ang pinunò ng Tondo at Bangkusay nang dumaong sa Maynila noong 1571 ang mga Español sa pamumunò ng kongkistador na si Miguel Lopez de Legazpi.
May palagay na mula siyá sa maharlikang angkan sa Borneo. Pumayag siyáng makipagkaibigan sa mga Español nang maramdaman niyang matatalo siyá sa labanan at lalong mahihirapan ang kaniyang nasasakupan. Gayunman, lihim siyáng nakipag-ugnayan sa pinunò ng Macabebe at sa tulong ng iba pang pinunò sa paligid ng Maynila ay nag-alsa. Gayunman, nagapi silá ng mga Español. Namagitan si Legazpi kayâ pinalaya si Lakandula. Ngunit napilitan naman siyáng makipagsandugo sa mga Español at magpabinyag bilang Katoliko. Pinangalanan siyáng Carlos, isinunod sa pangalan ng hari ng España. Namatay siyá noong 1575 at pinapurihan ng mga mananakop bilang “kaibigan ng España.”
Ipinangalan sa kaniya ang Orden ng Lakandula, ang isa sa pinakamataas na gawad na ibinibigay ng Republika ng Filipinas. (PKJ)