lakán

Ang lakán ay pamagat ng pagiging maginoo. Nagmula ang salita sa sinaunang Tagalog bilang pantukoy sa lalaking maharlika, o nagmula sa pinakamataas na sangay sa lipunan. Tinatawag namang “dáyang” ang babaeng maharlika. Ikinakabit din ang lakán sa pangalan ng may mataas na posisyon sa lipunan, o sa sinumang iginagálang, tulad sa Lakan Dula. Sa ibang pagkakataon, ang lakán ay nagiging bahagi na rin ng mismong pangalan, gaya ng Lakandula.

Sinasabing katumbas din ng pagiging lakan ang pagiging raha, at madalas ding napagpapalit ang mga titulong Gat at Lakan. Si Lakandula ang isa sa pinaka-bantog na lakán sa kasaysayan ng Filipinas. Namunò siyá sa Tondo bago dumating ang mga Español na nagbinyag naman sa kaniya  bilang Don Carlos Lacandola.

Nagmula sa lakán ang pangalan ng Malacañang, ang opisyal na tahanan ng pangulo ng Filipinas na nasa San Miguel, Maynila; nangangahulugan  itong  “pinananahananan ng lakán.” Sa kasalukuyan, ginagamit din ang salitang lakán upang tukuyin ang mga Filipinong may hawak ng black belt sa martial arts. Ginagamit din itong titulo sa mga paligsahan ng pinakamakisig na lalaki, katapat ng “lakambini” para naman sa pinakamagandang babae. (ECS)

Cite this article as: lakan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/lakan/