Laíya
Batangas, tourism, tourist destinations, popular vacation spots, beaches, diving spots
Ang Laíya ay isang popular na pook bakasyunan sa bayan ng San Juan, sa timog-silangang bahagi ng lalawigan ng Batangas. Kadalasan ay tumutukoy ito sa Barangay Laiya Aplaya, na hiwalay sa Barangay Laiya Ibabaw. Matatagpuan sa tabing-dagat ng Verde Island Passage, tanyag ang Laiya dahil sa mahabà nitóng white sand beach na kinatitirikan ng magagandang resort. Bukod dito, dinadayo din ang Laiya ng mga scuba diver at snorkeler dahil sa mayamang buhay akwatiko sa dagat nitó. Hitik ang Laiya at paligid sa mga isda at bangkota.
Isa ito sa mga pinakabinibisitang destinasyon ng mga turista sa Filipinas, dahil na rin sa lapit nitó sa Metro Manila. Mahigit-kumulang 140 km (o 2–3 oras) lamang ang layò ng Laiya sa Metro Manila. Mas maaraw din ang panahon sa Laiya kaysa Maynila; nakakaranas ito ng kala-hati lamang ng ulang bumubuhos sa Maynila kada taon. Pinaliligiran ang maputîng aplaya ng mga bundok at kagubatan, kayâ naman may dagdag ding pang-akit ang Laiya sa mga mahilig mag-trekking. Nahahati ang dalam-pasigan sa dalawa, ang West Parcel at East Parcel. Pino at maputî ang buhangin sa kanluran, lalo tuwing tag-init, sa-mantalang saksi naman ang silangan sa pagbabâ ng tubig hanggang 400 metro mula sa dalampasigan. (PKJ)