Lagúna de Bay
Lake, water, Geology, Laguna Lake, environment
Pinakamalaking lawa sa bansa na matatagpuan sa timog-silangan ng Maynila ang Lagúna de Bay (Ba·í). May sapantaha na dati itong bahagi ng Look Maynila pero nahiwalay dahil sa dalawang ulit na malakas na pagputok ng mga bulkan. Ito rin ay pangatlo sa pinakamalaking lawang tubig-tabáng sa timog-silangang Asia. Isa ito sa mga pangunahing pangisdaan at pinagkukunan ng mga isdang tabáng sa bansa. May lawak itong 98,000 ektarya at napapalibutan ng mga bayan at lungsod sa Metro Manila, Rizal, at Laguna. Lagusan din ito ng halos 21 maliliit na ilog, hábang sa Ilog Pasig naman ito dumadaloy palabas patungong Look Maynila, 16 kilometro sa hilagang kanluran ng lawa. Ang lawa ay may pangkaraniwang lalim na dalawang metro. May maliliit na pulo rin dito at ang
pinakamalaki ay ang Pulo ng Talim na may 14 kilometro ang habà at 1.5 kilometro ang lapad, nása nasasakupan ng Binangonan at Cardona sa lalawigan ng Rizal.
Ayon sa mga sinaunang talâ, ang unang tawag sa lawa ay “Puliran Kasumuran” at nang lumaon ay naging “Pulilan”. Nagbago uli ang tawag dito noong dumating ang mga Español. Ginamit ang salitâng Español na “Laguna” na nangangahulugang “lawa” at ang “Bay” na mula sa salitâng “ba-i” na isang bayan sa lalawigan ng Laguna.
Nagsisilbi ang lawa bilang daang transportasyong pantubig, Ginagamit pa ang tubig ng lawa ng isang plantang gumagawa ng koryente. Pinagmumulan din ito ng tubig na ginagamit para sa irigasyon sa mga sakahan at nagsisilbing pansamantalang imbakan ng sobrang tubig mula sa Ilog Marikina, na pinapadaan sa Manggahan Floodway, upang maiwasan ang pagbahâ sa lungsod.
Nahaharap ang lawa sa malaking problema ng polusyon sa tubig, Pangunahin na dito ang malawakan at maramihang pagtatayô ng mga kulungang pangisdaan sa lawa. Tinataya ring 60 porsiyento ng populasyon na nakatira sa palibot ng lawa ang nakakapagdulot ng maruming tagas ng basura sa ilog. Ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang ahensiyang nan-gangasiwa sa pangagalaga ng lawa. (AMP)