Alfredo V. Lagmay
(14 Agosto 1919–15 Disyembre 2005)
Si Alfredo V. Lagmay (Al·fré·do vi Lag·máy) ang itinuturing na pangunahing sikolohista at pilosopo ng Filipinas. Pinangunahan niya ang pagpapaunlad sa praktika ng siyentipikong sikolohiya sa bansa. Ang kaniyang mga siyentipikong artikulo ay naging batayang sanggunian ng iba pang larangan ng pag-aaral kagaya ng antropolohiya, agham panlipunan, at sosyolohiya. Siyá ang punòng tagapagtatag noong 1962 ng Psychological Association of the Philippines, naging tagapangulo ng Philippine Social Science Council, at orihinal na kagawad ng National Acad- emy of Science and Technology. Iginawad sa kaniya Pambansang Alagad ng Agham noong 13 Hulyo 1988.
Si Lagmay ang unang sikolohistang Filipino na nagsagawa ng eksperimentasyon hinggil sa usapin ng pagkatuto at pagkondisyon. Naging aktibong bahagi siya ng mga pag-aaral na pinamunuan ng batikang sikolohistang si B.F. Skinner ng Harvard University. Si Lagmay ang may-akda ng The Pacing of Behavior: A Technique for the Control of the Free Operant. Ito ay itinuturing na isa sa pinakamahalagang obra niya sa larangan ng eksperimental na sikolohiya. Nakapag-ambag ng malaki si Lagmay sa paglilinang ng teknolohiya ng pag-aaral sa Filipinas sa pamamagitan ng pagdisenyo ng mga pagsusulit upang masukat ang sikolohiya ng isang indbidwal. Ang kaniyang Philippine Thematic Apperception Test at ang Philippine Children’s Apperception Test ay ginagamit ngayon bilang mahahalagang instrumento para sa sikolohikal na pagsusulit.
Isinilang si Lagmay noong 14 Agosto 1919 sa Maynila. Nagtrabaho siyá hábang nag-aaral sa UP hanggang makatapos ng Batsilyer sa Pilosopiya noong 1947 at masterado sa Pilosopiya noong 1951. Ipinadalá siyá ng pamantasan sa Harvard University noong 1950 upang ipagpatuloy ang mataas na pag-aaral sa sikolohiya. Nakamit niya ang doktorado sa Eksperimental na Sikolohiya noong 1955. Nagbalik siyá sa UP upang magturo at pamunuan ang Kagawaran ng Sikolohiya. Yumao siyá noong 15 Disyembre 2005. (SMP)