Aniceto L. Lacson
(17 Abril 1857–3 Pebrero 1931)
Heneral sa Himagsikang Filipino at pangulo ng pansamantalang pamahalaang federal sa Negros noong 1898, si Aniceto L. Lacson (A·ni·sé·to el Lák·son) ay isang matagumpay na asendero at negosyante. Isinilang siyá sa Molo, Iloilo noong 17 Abril 1857 sa mayamang mag-asawang Lucio Lacson at Clara Ledesma na lumipat sa Talisay, Negros Occidental at nag karoon ng isang malawak na plantasyon ng tubó.
Nagtapos si Aniceto ng komersiyo sa Ateneo Municipal sa Maynila, at naging matagumpay na asendero at negosyante pagbalik sa Negros. Ang kaniyang lupaing namana ay napalawak niya sa mga nabili sa Nicholas Loney & Company. Sa ikalawang yugto ng Himagsikang Filipino, siyá at si Juan Araneta ang naging pinunò ng pag-aalsa ng mga Ilonggo mula sa “Sigaw sa Matabang.” Noong 5 Nobyembre 1898, itinaas ang bandilang Filipino sa plasa ng Silay at ibang bayan, sinalakay ni Gamboa Benedicto ang garisong Español, at tinálo ni Aniceto ang mga kasadores sa isang labanan sa Ilog Matabang. Nilusob din ni Araneta ang Bago at ni Don Gil Lopez ang Sagay. Nagtagpo ang mga hukbo nina Aniceto at Araneta sa Bacolod at sinalakay ang garison doon na sumuko noong 6 Nobyembre 1898, Isang pamahalaang federal ang itinatag sa Negros noong 26 Nobyembre na si Aniceto ang nahalal na pangulo, si Araneta ang kalihim ng digma, si Antonio Jaime ang kalihim ng katarungan, si Simon Lizares ang kalihim panloob, si Eusebio Luzurriaga ang kalihim sa pananalapi, si Nicolas Golez ang kalihim sa fomento, si Agustin Amenabar ang kalihim sa agrikultura.
Pagdating ng mga Americano, ipinasiya nina Aniceto na makipagtulungan sa mga bagong mananakop. Sinakop ng mga Americano ang Bacolod noong 4 Marso 1899 nang walang labanan. Maliban sa panaka-nakang salakay ng mga alagad ni “Papa Isio” ay mabilis napayapa ang Negros. Inamuki ni Gobernador William Howard Taft si Aniceto na maging gobernador ng Negros ngunit tumanggi ito. Higit niyang ninais bumalik sa negosyo at pamamahala ng asyenda. Namatay si Aniceto noong 3 Pebrero 1931 sa Talisay. (GVS)