labuyò

Fauna, birds, fowl, livestock

Ang labuyò (Gallus gallus) ay isang uri ng mailap na manok na miyembro ng pamilya Phasianidae. Tinatawag itong Red Jungle Fowl sa wikang Ingles at pinaniniwalaang isa sa mga ninuno ng domestikadong manok na inaalagaan sa ngayon. Bihira na itong makita sa Timog Katagalugan at sa hilagang bahagi ng Luzon. Marami ang nagsasabi na ginagamit ang labuyò sa pagpapalahi ng mga manok upang gawing pansabong.

Bukod sa Filipinas, matatagpuan rin ang labuyo sa timog-silangang India (mahirap nang makakita ng purong species dahil sa paghahalo nito sa mga domestikadong lahi ng manok), katimugang China, Malaysia, at Indonesia. May mga katulad ng lahi na matatagpuan sa mga isla ng Hawaii, sa Christmas Island at Marianas.

Magkaiba ang maraming katangian ng babae at lalaking labuyo (sexual dimorphism). Ang lalaki ay mas malaki ang katawan, may malamang lambi at palong sa ulo, may mga kulay tanso o ginintuang balahibo mula leeg hanggang likod. Ang buntot ay mayroong mahahabà at nakaarkong balahibo na may kulay itim, asul, berde, at lila sa liwanag. Simple lamang ang kulay ng balahibo ng babaeng labuyo. Wala itong malaking lambi at palong. Sa panahon ng pagpapalahi ipinapaalam ng lalaking labuyo ang pagdating sa pamamagitan ng pagtilaok. Nagsisilbi itong panghikayat sa mga babaeng labuyo upang maging kapareha, at isang hudyat rin sa ibang lalaking labuyo upang humanda kung gustong makipaglaban para sa pagpapalahi. Ang ibabâng bahagi ng kaliwang paa ng lalaki ay may mahabàng tahid na gamit sa pakikipaglaban at pagtatanggol sa sarili.

Ang labuyo ay kumakain ng lahat ng uri ng pagkain (omnivorus) na tulad ng mga insekto, buto ng halaman, bulate, at prutas sa punongkahoy. Magaan ang katawan nitó, may kakayahang lumipad patungo sa lugar na dadapuan o pagpapahingahan. Kalimitan, natutulog ito ay sa mga sanga ng punongkahoy o sa ibang matataas na lugar na hindi maaabot ng mga panlupang maninilà. (SSC)

Cite this article as: labuyò. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/labuyo/