labláb
algal bloom, biodiversity, ecology, algae, fisheries
Ang labláb ay isang terminong lokal na ginagamit upang ilarawan ang pinaghalòng komunidad ng organismo na binubuo ng madilaw-dilaw at berdeng maliliit na alga at hayop na makikita sa loob ng palaisdaan. Kung minsan ang mga ito ay hiwalay at lumulutang na nakakumpol o mga patse. Ito ay mistulang makakapal na banig na kasámang nakakapit sa putik. Nagsisilbi itong pangunahing likás na pagkain para sa mga batàng isda na tulad ng bangus at tilapya na inaalagaan sa mga palaisdaan.
Ang komposisyon ng labláb ay hindi nakikita ng pang-karaniwang matá. Sa halip, kailangang gumamit ng mikroskopyo para makita ang bawat espesye ng alga. Ang kumpol ng alga ay kabilang sa pamilya Myxolphyceae at binubuo ng mga espesye na kasáma sa mga genera na Spirulina, Nostoc, Anabaena, Oscillatoria, at Microcystis. Naitalâ na may dalawang uri ng lablab. Ang “lablab na nakakapit” ay kalipunan ng buháy na mga organismo na nakadikit sa mga lambat samanta-lang ang “lablab na nakalutang” ay mga patay na organismo.
Ang labláb ay napakaimportanteng pagkain na sumusuporta sa paglaki ng bangus at tilapya sa mga palaisdaan. Ito ay maaaring patubuin sa pamamagitan ng mga sumu-sunod na hakbang: (1) Alisan ng tubig ang palaisdaan at hayaang matuyo ng 1 o 2 linggo hanggang sa ang lupa ay mabitak. Subalit hindi dapat tagalan ang pagpapatuyo dahil tumutigas ang lupa at mala-pulbos. (2) Gumamit ng natural na pestisidyo, tulad ng kombinasyon ng abono mula sa ammonium sulfate at apog upang puksain ang mga peste. (3) Maglagay ng 2 tonelada ng dumi ng ma-
nok kada ektarya bilang pataba. Lagyan ng tubig, sapat na matakpan ang lupa. (4) Dahan-dahang taasan ang lalim ng tubig sa loob ng kalahati hanggang isang buwan hanggang umabot sa 0.8–1.0 metro. Ang biglaang pagtaas ng tubig ay magiging sanhi ng paghihiwalay at paglutang ng lablab. (MA)