labanós
Flora, Vegetable, rootcrop, medicinal plants
Ang labanós (Raphanus sativus) o radish ay isang halamang-ugat na may putî at matigas na bunga at nakakain. Ang mga ugat nitó ay malaman, may matapang na lasa, at may iba’t ibang laki at porma. Ang mga dahon naman ay mabuhok at pakurba. May mga putî o lilang bulaklak ito na may habàng 1.5 sentimetro. Ang pod o ang bahaging nagtataglay ng mga buto ay mahahabà at patulis. Mai-nam na linangin sa mga maaaraw na lugar na mataba ang lupa. Itinuturing na companion plant dahil kapag itinanim kasáma ng iba pang halaman, makatawag pansin sa mga peste ang usbong nitó kung kayâ hindi nasisira ang ibang halaman habang ang bungang-ugat nitó ay maaari pa ring anihin.
Nakakain ang dahon, bulaklak, ugat, at mga buto ng labanos. Ang ugat at mga bagong tubòng dahon ay maaaring kainin nang hilaw o lutô. Mayaman ito sa ascorbic acid, folic acid, potassium, iron, at calcium at napagkukunan din ng Bitamina B.
Bukod sa pagiging rekado sa mga putahe, nagagamit din ang labanos bilang lunas sa maraming sakit. Inilalaga ang mga dahon at iniinom ang pinaglagaan para sa pagtatae. Ang katas ng dahon ay pampapurga at nagpapabuti ng pagdaloy ng ihi. Ginagamit namang pampagísing, gamot sa sakit sa tiyan, pantapal sa sugat, pasò, at alipunga ang mga ugat. Ang pinaglagaan ng ugat ay iniinom bilang gamot sa lagnat at pantanggal ng mga pantal. Ang pnatuyong ugat ay inihahalò sa balát ng sitrus bilang gamot sa pamamaga ng tiyan. Iniinom din ang pinaglagaan ng mga bulaklak o buto para magamot ang ubo. Pinabubuti rin ng mga buto ang pagdaloy ng ihi, pagdumi, at regla. Ginagamit din ang labanos sa pagtataboy ng mga insekto na gaya ng lamok.
Pinaniniwalaang matagal nang nililinang ng mga sinaunang sibilisasyon ang labanos at naging laganap ang pag-aalaga nitó noong panahon ng Imperyong Romano. Sa salitang Griego, ang raphanus ay nangangahulugang “mabilis dumami.” Ang radish naman ay mula sa salitang Latin na radix na nangangahulugang “ugat.” Nililinang sa halos lahat ng bahagi ng Filipinas. Isa ito sa mga halamang nabanggit sa popular na awiting “Bahay Kubo.” (KLL)