Labanang Quingua
Sa Labanang Quingua (Kíng·wa), ipinagtanggol ang Unang Republika ng Filipinas laban sa hukbong Americano. Naganap ito noong 23 Abril 1899 ang hukbong Filipino ay nása pangunguna ni Tenyente Koronel Pablo Ocampo Tecson ng San Miguel, Bulacan na nása ilalim naman ni Heneral Gregorio del Pilar. Kilalá ang Quingua ngayon bilang sakop ng bayang Plaridel,,Bulacan.
Nagsimula ang labanan nang paulanan ng bála ng mga sundalong Filipino sa pamumuno ni Tecson ang mga nagsisiyasat na Americano sa pangunguna ni Medyor J. Franklin Bell. Isang panandaliang tagumpay ang unang tagpo nang mapahinto ang pagsúlong ng puwersang Americano. Umatras ang grupo ni Bell at humingi ng tulong sa impanteriyang pinamumunuan ni Koronel Stotsenburg. Sa labanan, isa si Stotsenburg sa mga unang namatay nang tamaan ng bála sa dibdib. Nagpatuloy sa pagsúlong ang mga Americano sa humihinàng atake ng mga Filipino hanggang sa mapasok ang ikalawang linya ng depensang Filipino. Sa ikalawang tagpo, iniutos ni Heneral Irving Hale na gumamit ng mga kanyon laban sa sundalong Filipino. Ito ang nagdulot ng pag-atras at pagkatalo ng mga rebolusyonaryong Filipino sa labanan.
May marker at bantayog ngayon sa kinamatayan ni Stotsenburg at bilang pag-alaala sa kagitingan ng mga Filipino sa Labanang Quingua. (KLL)