Labanáng Loók Maynilà
Ang Labanáng Loók Maynilà ay nangyari noong 1 Mayo 1898. Ang pangkat ng hukbong pandagat na pinamumunuan ni George Dewey ang nakasagupa’t nakalupig sa pangkat ng mga Español na pinamumunuan naman ni Admiral Patricio Montojo. Ito ang itinuturing na unang mahalagang sagupaan sa Filipinas sa panahon ng Digmaang Español-Americano.
Alas-siyete ng gabi noong 30 Abril 1898 nang sinabihan umano si Montojo na nasa Subic na ang mga sasakyang pandagat ni Dewey nang umagang iyon. Inakala ni Montojo na kinabukasan pa aatake ang mga Americano sapagkat mahirap baybayin ang Look Maynila sa gabi lalo pa ng mga banyaga’t hindi pamilyar sa lugar. Subalit binigyan umano ng detalyadong impormasyon ng konsulado ng America sa Maynila si Dewey kayâ’t nakalusob sila nang hatinggabi. Madaling-araw nang magsimula silang magpaputok.
Sinasabing lubhang luma’t sinauna ang mga sasakyang pandagat na ginamit ng mga Español, bukod sa kulang sa pagsasanay ang kanilang mga sundalo’t mandaragat. Batid din ng España na hindi na sila mananalo sa digmaan at bunga na lang ng kahihiyan ang pagtatangkang lumaban. Lalo pang naging dehado para sa mga Español ang laban nang magpasiya si Montojo na ipuwesto ang mga sasakyang pandagat nang lubhang malayo sa káyang abutin ng kanilang mga kanyon. Maaaring ibig umanong protektahan ni Montoja ang Maynila at bigyan ng pagkakataon ang mga nakaligtas na makalangoy pa papunta sa daungan. Tanging ang Kutang San Antonio Abad ang may mga armas na káyang abutin ang hukbong dagat ng mga Americano, subalit hindi lumapit ang pangkat ni Dewey sa bahaging maaabot ng mga ito.
Sang-ayon sa ilang sangguniang Americano, nagwagi si Dewey sa labanan at pitong tao ang bahagyang nasugatan samantalang isa lang ang namatay at dahil pa sa atake sa puso, si Francis B. Randall. Subalit sang-ayon sa ibang mananaysay, maaaring ikinubli ni Dewey ang bilang ng totoong namatay at nasugatan. Sa tala ng isang mananaysay na Español, tinantiya umano ng mga opisyal na Español sa 13 ang mga Americanong namatay. (ECS)