Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

labahíta

Fauna, Fish, Aquatic animals

Ang isdang labahíta ay kabilang sa pamilya Acanthuridae. Ito ay matatagpuan sa tropikong bahagi ng mundo, sa mga karagatang Pasipiko at Indian, lalo na sa paligid ng mga bangkota.

Lahat ng espesye ay pikpik ang katawan, ang mga matá ay nása itaas ng ulo, at ang paligid ng matá ay may buto. Ang palikpik sa likod ay may 4–9 tinik. Maliliit ang mga kaliskis. Maliit ang bibig na may isang hilera ng ngipin. Karamihan ay may mahabàng bituka. Maaar-ing laslasin ng labahita ang ibang isda sa pamamagitan ng matalas na tinik sa buntot. Maraming espesye ay matitingkad ang kulay. Kilalá ring inaalagaan sa akwaryum.

Maraming uri ng labahíta at isa sa mga ito ay ang Acanthurus lineatus. Ang kabuuang tinik sa palikpik sa likod ay 9 samantalang 3 tinik naman sa palikpik sa puwit. Ang tatlongkapat (¾) na itaas na bahagi ng katawan ay may linyang salit-salit na kulay itim, asul at dilaw samantalang ang ibabâng bahagi naman ay kulay abo. Ang tinik sa magkabilang bahagi ng buntot ay matulis, matigas, naka-turo sa unahan, at makamandag. Ang itaas na bahagi ng ulo ay may kulay dilaw na pahilig na linya. Ang palikpik sa pektoral ay mapusyaw at may madilim na guhit. Ang labahita na matatagpuan sa Filipinas ay may iba’t ibang kulay. Ang karaniwang habà ay 25 sentimetro at ang pinakamahabàng naitalâ ay 38 sentimetro.

May katangian itong umangkin ng lugar na binabalik-balikan bilang pag-aari. Ang malalaking lalaki ang nagkokontrol kung saang lugar ang magsisilbing kainan. Ang mga tigulang na labahita ay kadalasang magkakasáma sa paglangoy at kalimitan ay nása mababaw na bahagi ng tu-big. Ang mga batà ay mapag-isa. Kadalasang kinakain ayhalamang-dagat at maliliit na pirasong dahon ng letsugas pero kumakain din ng krustaseo. Ang makamandag na tinik sa buntot ay labis na nakakasugat. (MA)

 

Cite this article as: labahíta. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/labahita/