Kutàng Santiago
Ang orihinal na pangalan ng Fort Santiago (Fort San·ti·yá·go) ay Fuerza Santiago, isang tanggulang moog na sinimulang itayô noong 1590 at natapos noong 1739 sa dating lugar na kinalalagyan ng matandang Maynilad na matatagpuan sa bunganga ng Ilog Pasig. Bahagi ito ng mga estrukturang bumubuo sa siyudad ng Intramuros, ang itinuturing na “Lungsod Maynila” noong panahon ng mga Español. Pinangalanan ito ni Gobernador Santiago de Vera bilang parangal sa kaniyang patron na si Santiago. Ang pader na nakapalibot dito at nagsisilbing proteksiyon ay may kapal na walong talampakan at taas na dalawampu’t dalawang talampakan.
Hindi maikakaila ang kahalagahan nitó sa kasaysayan ng Filipinas. Sa panahon ng kolonisasyon, ito ang nagsilbing pangunahing tanggulang moog ng gobyernong Español. Ginawa din itong bilangguan. Dito ikinulong at ginugol ni Jose Rizal, ang pambansang bayani, ang kaniyang mga hulíng araw bago siyá bitayin noong 30 Disyembre 1896. Mula sa kanyang selda, sinulat niya ang kaniyang hulíng tula na Ultimo Adios.
Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Fort Santiago ang nagsilbing punòng himpilan ni Heneral Douglas MacArthur at mula dito niya pinamunuan ang hukbong Filipino-Americano laban sa mga mananakop na Hapones. Sa panahon ng pananakop ng mga Hapon, ang Fort Santiago ay naging kasingkahulugan ng kamatayan para sa mga Filipino. Dito isinagawa ng mga kempeitai, pulis-militar ng mga Hapon, ang matinding pagpapahirap o parusa sa mga napaghihinalaang miyembro ng gerilya. Maraming Filipinong namatay sa mga selda nitó. Sa liberasyon ng Maynila noong 3 Pebrero 1945, dumanas ng matinding pinsala ang moog sa bombahan ng magkalabang puwersa.
Sa kasalukuyan, ang moog at ang mga selda nitó ay isa nang pambansang dambana. Mula sa imahen nito ng pagpapahirap at kamatayan, ito ngayon ay larawan ng kagandahan at kapayapaan para sa mga nais lumaya sa magulong buhay siyudad. (LN)