Kutàng San Pédro
Ang Kutàng San Pédro (Fort San Pedro sa Ingles) ay isang moog sa Lungsod Cebu, lalawigan ng Cebu na sinimulang itayô ng mga Español noong 1565, ang unang taon ng pananakop ng mga Español. Natapos lamang ito noong 1738 pagkatapos ng ilang pagbabago sa mga ma- teryales na ginamit sa moog. Ito ang pinakamatanda at pinakamaliit na fuerza ng mga Español sa Filipinas.
Ang conquistador mismo na si Miguel Lopez de Legaspi ang nagpatayô sa kuta, bilang tanggulan laban sa mga piratang Moro at mga katunggaling katutubo. Ito rin ang nagsilbing puso ng unang pamayanang Español sa Filipinas. Hango ang pangalan ng moog sa pangunahing barko ni Legazpi, ang San Pedro. Nagsimula ito bilang isang kutang hugis tatsulok at yari sa troso at putik. Nang binanggit ito sa isang ulat kay Haring Felipe II ng España noong 1739, inilarawan ang kuta bilang gawa na sa bato at may tatlong maliliit na tanggulan, ang La Concepcion sa timog-kanluran, Ignacio de Loyola sa timog-silangan, at San Miguel sa hilagang-silangan. Mayroon din daw itong isang balon; isang imbakan ng pulbura at armas; isang malaking gusali, ang Cuerpo de Guardia, na tirahan ng mga bantay; at ang Vivende del Teniente, na tinutulugan ng opisyal na tenyente. May lawak daw itong 2,025 m kuwadrado, at mga dingding na 20 talampakan ang taas at walong talampakan ang kapal, at mga toreng 30 talampakan ang tayog.
Noong Himagsikang Filipino, nagsilbing karsel ng mga rebolusyonaryong Filipino ang kuta. Sa panahon ng mga Americano, nagsilbi itong barracks ng mga kawal at paaralan para sa mga Sebwano. Ginamit itong tanggulan at piitan ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pan-daigdig bago maging ospital. Pagkatapos ng digmaan, ginawa itong kampo militar. Noong 1950, napunta ito sa Cebu Garden Club na ginawang munting hardin ang kuta hábang ang mga itaas na bahagi ay nagsilbing tanggapan ng pamahalaan. Naging zoo rin ang kuta noong 1957, pagkatapos ang nabigong balak ng dating alkalde Sergio Osmeña Jr. na gibain ang guho para patayuan ng bagong munisipyo.
Nagsimula ang restorasyon ng kuta noong 1968. Sa kasalukuyan, isa ang Kutang San Pedro sa mga pook panturista ng Cebu. Matatagpuan ito sa Plaza Independencia sa Pier Area ng nasabing lungsod. Tampok dito ang isang museo na nagtatanghal ng ilang kagamitan at dokumento mula sa panahon ng Español, mga likhang sining tulad ng pintura at lilok, mga sandata tulad ng espada at kanyon, at mga piraso ng porselana mula sa kahariang Ming ng China. Sa labas ng mga pader, nakatayô naman ang mga estatwa nina Legazpi at Antonio Pigafetta, ang Italyanong iskolar na kasáma ni Magellan sa kaniyang paglalakbay sa Filipinas noong 1521. (PKJ)