Kutàng San Antonio Abad
Ang Kutàng San Antonio Abad (dating Fuerza de San Antonio Abad) ay isang moog sa distrito ng Malate sa Lungsod Maynila. Itinayô ito noong 1584 ng mga Español upang bantayan ang likuran ng Intramuros—na siyang dating lungsod ng Maynila—at ang rutang Maynila-Cavite. Dáti itong nakatayô sa baybay ng Look Maynila noong hindi pa natatambakan ng lupa ang maraming bahagi ng lungsod. Sa kasalukuyan, matatagpuan ito sa loob ng Central Bank of the Philippines Complex sa Roxas Boulevard, sa gitna ng Manila Metropolitan Museum at mga gusali ng Bangko Sentral. Maaaring hindi ito kasingkilala ng kapatid nitóng Fuerza Santiago, ngunit mahalaga rin ang ginampanan nitó sa kasaysayan ng Filipinas.
Nakubkob ang moog ng mga Ingles noong 1762, at ginamit nilá ito sa kanilang pagkanyon at paglusob ng Intramuros. Nang nabawi ng mga Español ang Maynila at Fuerza de San Antonio Abad, ginawa nilá itong imbakan ng pulbura at tinawag na La Polvorista. Noong Agosto 1898, nakuha ito ng mga Americano sa Digmaang Español-Americano. Dito unang iwinagayway ang watawat ng Estados Unidos. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ginamit ito ng mga Hapones bilang bunker. Naisaayos ang moog nang itinayô ang bagong compound ng Bangko Sen- tral noong dekada sitenta.
Isa nang hardin ang moog sa kasalukuyan, at ginagamit ito sa mga okasyon ng Bangko Sentral o Manila Met. Maaari itong pasyalan ng kahit sino; kailangan lámang munang pumasok sa Bangko Sentral o sa museo. Isang kahoy na imahen ng patron ng moog, si San Antonio, ang matatagpuan sa panlikod na pader. (PKJ)