Kutàng Píkit
Ang Kutàng Píkit ay isang moog sa bayan ng Pikit, lalawigan ng North Cotabato na itinayô ng mga Español noong 1893 bilang bahagi ng ekspedisyon ng pananakop ng pamahalaang kolonyal sa mga Moro ng Mindanao, at bilang pagpapaigting ng kanilang hawak sa Cotabato at Ilog Pulangi.
Yari ang tanggulan sa bato, kahoy, bakal, at nipa. Katulad ito sa pagkagawa ng kalapit na Fuerza de Regina Regente sa Dulawan, Cotabato (ngayon ay Datu Piang, Maguin- danao). Ayon sa mga historikal na talâ, isang opisyal, 60 sundalo, at anim na tagakanyon ang nakabantay sa moog. Nagkaroon pa ng panukala na magtayô ng isang garison 46 milya pababâ ng Ilog Pulangi, sa pook na tumitigil diumano ang saklaw ng mga Moro at nagsisimula ang kolonisadong lupain ng Montesa de Misamis (Bukidnon ngayon), upang mabigyan ng dagdag-lakas ang Kutàng Pikit.
Pagdating ng mga Americano, ginamit ng bagong pamahalaang kolonyal ang moog sa pagkubkob ng Mindanao. Sumunod naman itong ginamit ng Konstabularya ng Filipinas sa panahon ng kolonyalismong Americano. Namalagi rin dito ang hukbo ng mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ngunit nabawi ng mga Americano sa kanilang pagpapalaya ng silangang Mindanao. Noong 2012, ipinahayag na Pambansang Palatandaang Makasaysayan (National Historical Landmark) ang Kutàng Pikit.
Ginawang pampublikong liwasan ang moog ngunit napabayaan noong dekada sitenta dahil sa kaguluhan sa rehiyon. Isinaayos ito nitóng mga nakaraang taon. Matatagpuan ang moog sa tuktok ng isang burol na kaharap ng pambansang haywey na nagdudugtong sa mga lungsod ng Cotabato at Davao. Matatanaw mula sa burol ang malalawak na kapatagan. (PKJ)