kutà

Tumutukoy ang kutà ngayon sa lugar na pinangangalagaan o binabantayan ng isang pangkat na sandatahan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa loob at sa paligid. Maaaring mangahulugan din ang kuta bilang isang kongkreto at protektadong estruktura, tulad ng moog, kampo, o kastilyo. Sa kuta inilalagay ang sandatahang lakas ng isang lipunan.

Sa sinaunang Tagalog ang kutà ay isang pook na tanggulan. Maaaring isa itong mataas na gulod o gubat na may lupa’t batong kanlungan upang hindi kaagad mapasok ng kaaway. Unang nakilála sa kasaysayan ang matandang kuta ni Raha Soliman na may moog na mga kahoy at kawayan upang ipagtanggol ang pamayanan sa Maynila.

Sinasabing nagmula sa mga salitang Magindanaw na “kuta wato” ang pangalan ng Cotabato. Tinutukoy nitó ang kuta na gaya ng itinayô ni Sultan Kudarat  laban sa pananakop ng mga Español. Sa panahon ng mga Español, nagtatag ang mga Muslim ng mga moog na nagsilbing kuta, gaya ng Kutang Pikit sa Hilagang Cotabato. Nagtayô naman ng mga kuta (o fuerza) ang mga Español upang mapanatili ang pananakop sa mga estratehikong pook sa Filipinas, gaya ng Fuerza Santiago sa Intramuros, Kutang Pilar sa Lungsod Zamboanga, Kutang San Antonio Abad sa Lungsod Cebu. Naging isang mahalagang kuta naman ng maraming armadong grupong Filipino ang bundok, mula pa sa panahon ng paghihimagsik ni Dagohoy hanggang sa mga tinatawag na real ng mga pangkatingKatipunero sa Bulacan, hanggang sa Republikang Tagalog ni Macario Sakay at sa mga kampamento ng gerilya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. (MJ)

Cite this article as: kuta. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kuta/