kurósan

Fauna, Aquatic Animals, shark

Ang kurósan (tinatawag ding balagbágan) ay isang uri ng pating (Sphyrna zygaena) na malapad ang nguso at may ulong hugis-malyete o martilyo at karaniwang humahabà nang 4.8 m. Tinatawag itong hammerhead shark sa Ingles.

Sa Filipinas, ilan sa mga lugar na may kurosan ay ang lalawigan ng Palawan, Pulo ng Balicasag sa Bohol, Pulo ng Malapascua sa hilagang Cebu, at bayan ng Moalboal sa timog Cebu. Tanyag ang mga lugar na ito sa mga maninisid o scuba diver, at ang kurosan , kasama  ang ibang uri ng pating at lamandagat, ang isa sa  mga  nais  masulyapan ng mga maninisid.

Sa kasamaang-palad, bumabà na kamakailan ang bilang ng mga kurosan. Maaari itong isisi sa walang-habas na pang-ingisda, lalo ng malalaking kompanya na may malalaking barko. Nanganganib na ang ilang uri ng hammerhead sa buong daigdig dahil sa shark fin, o palikpik ng pating, na itinuturing na espesyal na pagkain at may mataas na presyo sa merkado. Kadalasan, pagkatapos hiwain at kuhanin ang palikpik ng nahúling pating ay itinatápon ang isda sa dagat. Ginagawa ito ng mga mangingisda upang higit na pakinabangan ang espasyo sa barko. Ang walang-palikpik na pating ay kaawa-awang lulubog sa dagat, upang marahang mamatay na naghihirap o kayâ naman ay walang-labang makain ng ibang isda. Tinatayang 26 hanggang 73 milyong pating, kurosan man o hindi, ang pinapaslang sa ganitong paraan taon-taon. Mahigpit nang ipinagbabawal ng maraming bansa ang naturang gawain. (PKJ)

Cite this article as: kurósan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kurosan/

Related Articles