kurátsa
Fauna, Aquatic Animals
Ang kurátsa (Ranina ranina) ay nabibilang sa pamilya Raninidae na makikita sa buong rehiyon ng Indo-Pacifico. Ang pangalan nitó ay mula sa Español na cucaracha para sa ipis at marahil ibinatay sa itsura nitó. Natatangi at kapansin-pansin ang sipit sa harapan ng kurátsa at ang mahabà at halos hugis kopitang talukab nitó na kulay makináng na kahel o pulá. May hanay sa talukap nitó na puting batik at tinatakpan ito ng bilugang tinik.
Kadalasang may lapad itong 8.5 sm at may bigat na 400 gramo. Maaari ring lumaki ito hanggang 15 sm at bumigat ng 900 gramo. Kapag lumalangoy, nagkakandirit ang isang kurátsa na mistulang pala-ka. Karaniwang nangingitlog ito sa pagitan ng buwan ng Oktubre at Pebrero at maaaring manganak ang isang malaking babae ng dalawang beses sa tuwing kapanahunan. Ang karaniwang bilang ng itlog ay 120,000 bawat kapanahu-nan. Maaari nang magparami ang isang babaeng kuratsa sa edad na dalawang taon.
Popular ngunit espesyal na pagkain sa Zamboanga ang kurátsa, ngunit malawakang hinuhúli din ang lamang-dagat na ito sa Hawaii, Japan, Seychelles, at sa silangang baybayin ng Australia. Matatagpuan ang mga kurátsa sa layòng 100 m mula sa baybayin at lalim na 10 hanggang 70 m. Maaaring mahúli ang mga ito sa pamamagitan ng bitag na may pain at gawa sa magkakabuhol na lambat na nakabitin sa isang patag na kuwadro. (MA)