Kumbensiyóng Tejéros
Noong 22 Marso 1897, nagkaroon ng pagpupulong sa Tejeros, isang baryo sa San Francisco de Malabon, Cavite, ang dalawang paksiyon ng Katipunan sa lalawigan—ang Magdíwang na pinamumunuan ni Mariano Alvarez, tiyuhin ni Andres Bonifacio, at ang Magdaló na pinan- gungunahan ni Baldomero Aguinaldo, pinsan Heneral Emilio Aguinaldo. Ito ang tinatawag ngayong Kumben siyóng Tejéros (Te·hé·ros). Layunin ng kumbensiyong ito na bumuo ng mga plano at pagkilos upang palakasin ang depensa sa Cavite. Gayunman, sa halip na talakayin ang nasabing dahilan ng pagpupulong, nagdesisyon ang mga lider ng Katipunan sa naturang probinsiya na magtatag ng bagong rebolusyonaryong gobyerno kapalit ng Katipunan at maghalal ng mga opisyal para dito.
Tinutulan ni Bonifacio ang inisyatibang ito at ipinuntong may konstitusyon at gobyernong kasalukuyang umiiral—ito ay ang Katipunan. Gayunman, nanaig ang kagustuhan ng mga Kabitenyong Magdalo. Bagama’t atubili, pinanguluhan ni Bonifacio ang eleksiyon sa garantiyang igagalang ng nakararami kung anuman ang maging resulta nitó. Sa halalang ito lumabas sina Emilio Aguinaldo bilang presidente; Mariano Trias, bise-presidente; Artemio Ricarte, kapitan-heneral; Emiliano Riego de Dios, direktor ng digma; at si Andres Bonifacio, bilang direktor ng interyor. Gaya ng pambabalewala sa orihinal na adyenda ng kumbensiyon, ang pagkakahalal kay Bonifacio ay inusisa ni Daniel Tirona at sinabing tanging may pinag-aralan lámang ang maaaring mag-okupa sa nasabing posisyon. Bunga ng pambabastos na ito, idineklara ni Bonifacio bilang tagapangulo ng pagpupulong at supremo ng Katipunan na walang bisà ang nasabing halalan.
Gayunman, buo na ang loob ng mga Kabitenyong Magdalo at itinuloy ang pagpapairal sa halalan sa Tejeros. Mabilisang pinanumpa si Aguinaldo bilang bagong pinunò. Pagkaraan, itinuring na hadlang si Bonifacio sa bagong gobyernong rebolusyonaryo kayâ ipinadakip bago makalabas ng Cavite, nilitis, at hinatulan ng kamatayan. (LN)