kulísap

Fauna, insects

Ang kulisap ay anumang maliit na hayop na kabilang sa class Insecta. Ang pangalang siyentipiko ng uri nitó ay mula sa Latin na insectum at pinaghanguan din ng mga pangalan nitóng Español (insecto) at Ingles (insect). Isang uri ito ng mga invertebrate na may tatlong-bahaging katawan (ulo, dibdib o thorax, at sikmura o abdomen), tat-long pares ng nakaugpong na paa, mga matáng compound, at isang pares ng antenna. Isa ang kulisap sa pinakasari-saring pangkat ng hayop sa lupa, kasama ang mahigit isang milyong nailarawan nang species at kumakatawan sa mahigit kalahati ng kilaláng buháy na organismo. Matatag-puan ang kulisap sa lahat ng uri ng kaligiran, bagaman iilan ang species na nabubuhay sa karagatan, isang habitat na dominado ng pangkat na mga krustaseo. Ilang arthropod panlupa, gaya ng alakdan, gagamba, at alupihan, ang napagkakamalang kulisap dahil nahahawig ang katawan; ngunit kapag sinuri ay hindi dahil unang-una’y walang anim na pares ng paa ang mga ito.

Ang siklo ng búhay ng mga kulisap ay nag-iiba, mula isang araw hanggang ilang taón, ngunit nagsisimula ang karamihan sa itlog. Karaniwang kumikilos ang mga ito sa pamamagitan ng paglakad, paglipad, o paglangoy. Itinuturing ng tao na peste ang mga ito kayâ sinisikap puksain sa pamamagitan ng pestisidyo at ibang taktika. Totoo namang sinisira ng ilang insekto ang pananim dahil sa pagkain ng katas, dahon, o prutas at may mga insekto ding nangangagat ng tao at alagang hayop at sa gayo’y may kakayahang maglipat ng mga sakit sa mga tao at mga alaga. Gayunman, may mga kulilsap na kai-langan sa polinasyon ng mga namumulaklak na hala-man at sa ibang gawaing pangkaligiran. Isang uod, ang silkworm , ang inaalagaan para sa produksiyon ng seda, gayundin ang pukyut para sa pulut.

Sa kalahatan, nagdaraan ang búhay ng kulisap sa dalawang uri ng banyuhay o metamorposis. Sa hemimetabo-lismo o diganap na metamoposis, nagbabago ang insekto sa pamamagitan ng paghuhunos. Halimbawa nitó ang tutubi. Sa halometabolismo o ganap na metamorposis, nag-daraan ang kulisap sa apat na yugto: ang itlog, isang uod o larva, isang pupa, at isang tigulang o imago. Halimbawa nitó ang paruparo.

May mga tinatawag namang kulisap na sosyal, gaya ng langgam, anay, bubuyog, at putakti, na sáma-sáma sa isang malaking kapisanan o kolonya at may takdang es-pasyo at gawain. Kahanga-hanga ang pukyut na nakabab-alik sa kaniyang takdang butás sa isang kolonyang may libo-libong bútas. Ang mga kulisap na sosyal ay nagtatayô ng pugad, nagbabantay ng mga itlog, at buong-panahong nagdudulot ng pagkain sa mga anak. Itinuturing na peste o salot ang mga insektong parasitiko (lamok, kuto, surot), nagkakalat ng sakit (lamok, langaw), sumisira ng bahay (anay), at sumisira ng pananim (tipaklong, uwang). Ga-yunman, kailangan ang ganap na ingat sa paggamit ng insektisayd laban sa pesteng kulisap. Isang halimbawa ang DDT na pumuksa rin sa ibang uri ng ilahas na búhay at nagdulot ng karamdaman sa tao. (RRSC)

Cite this article as: kulísap. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kulisap/