kúdetá

 

Ang kúdetá (mula sa French na coup d’etat) ay pag-aaklas ng isang maliit na organisadong grupo o seksiyon ng estado upang pabagsakin at palitan ang nakaluklok na gobyerno. Ang ganitong pagkilos ay karaniwang inilulunsad ng militar at itinataguyod nang palihim ng ilang mataas na opisyal ng pamahalaan.

Mayroong tatlong uri ng kúdetá: ang presidensiyal na kúdetá, pampalasyong kúdetá, at putsch. Ang presidensiyal na kúdetá ay pinasisimulan ng nakaluklok na pinunò ng gobyerno. Isinususpinde niya ang mga tradisyonal at konstitusyonal na karapatan upang palawakan at patatagin ang kaniyang pampolitikang kapangyarihan. Ang pampalasyong kúdetá ay nagaganap kung ang isang seksiyon ng sibilyan na pamahalaan ay mang-agaw ng kapangyari- han sa pamamaraang labag sa umiiral na konstitusyon at prosesong legal. Ang putsch ay ang marahas at armadong pag-aaklas ng isang grupong militar.

Maraming kúdetá na ang naganap sa Filipinas na kadalasa’y pinamumunuan  ng  mga  batàng opisyal ng sandatahang lakas. Karamihan sa mga kúdetá sa bansa ay pagtatangka lámang at hindi nagwagi. Ang deklarasyon ng Batas Militar ni Pangulong Ferdinand Marcos noong Setyembre 1972 ay maituturing na  isang  matagumpay na presidensiyal na kúdetá. Binuwag ni Marcos ang mga umiiral na institusyong konstitusyonal ng Republika at pinalitan niya ito ng sariling modelo ng pamamahala.

Ang kúdetá na inilunsad ng noo’y Kalihim Juan Ponce Enrile at Heneral Fidel V. Ramos noong Pebrero 1986 ay maituturing na pampalasyong kúdetá na may elemento   ng putsch at rumurok sa isang popular na pag-aalsa ng mamamayan. Napatalsik ng tinaguriang People Power I ang pamahalaan ni Marcos at nailuklok sa kapangyarihan si Pangulong Corazon Aquino. Hinarap naman ng pamahalaan ni Pangulong C. Aquino ang 10 nabigong kúdetáng may katangiang putsch.

Si Pangulong Joseph Estrada ay napatalsik rin sa kapangyarihan noong Enero 2001 sa pamamagitan ng kombinasyong popular na pag-aalsa at pampalasyong kúdetá. Ang pamahalaan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay nakaranas ng tatlo ngunit hindi matagumpay na putsch na inilunsad ng mga batàng opisyal ng Sandatahang Lakas ng Filipinas.  (SMP)

Cite this article as: kudeta. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kudeta/