Kudarát

(Sk. 1590—1671)

Magiting at mailap na pinunòng Muslim si Kudarát na hindi kailanman sumuko sa mga Español. “Corralat” ang nakaulat na tawag sa kaniya ng mga Español. Kinikilála siyá ngayong Sultan Kudarat (Qudarat kung minsan ang baybay) at ipinangalan sa kaniya ang bagong lalawigan mula sa malaking Cotabato. Ipinanganak siyá noong hulíng dekada ng ika-16 siglo at anak ni Datu Buisan, na isang Iranun, at ni Ambang. Naging sultan siyang Magindanaw nang mamatay ang ama at hinawakan ang posisyong ito mula 1619 hanggang 1671. Sa kaniyang pamumunò, nakalikha siyá ng pagkakaisa sa mga pangkating nakatira sa Lanao, Cotabato, Davao, at Zamboanga kayâ matagumpay na napigil ang pagtatangka  ng  mga  Español na palaganapin ang Kristiyanismo sa naturang mga pook. Sinikap din niyang makipagkaibigan sa mga Olandes sa Ternate upang ipansangga sa mga Español.

Noong 1637 isang malaking kampanya ang inilunsad upang gapiin siyá at pinamunuan mismo ng Gobernador-Heneral Sebastian Hurtado de Corcuera. Noong 13 Marso 1637, nilusob ni Corcuera ang Lamitan, itinuturing na kapitolyo noon ni Qudarat, at winasak ang mga kuta at sasakyang-dagat doon. Noong 16 Marso sinimulan ang salakay sa Ilihan na pinagkukutaan ni Kudarat at 2,000 tauhan. Sa ikalawang araw ng malaking labanan, nasa- kop ng mga Español ang kuta ni Kudarat ngunit hindi siyá nadakip. Ang pangyayaring ito ay naging paksa ng bantog na komedya na itinanghal sa Maynila bilang parangal kay Corcuera.

Ngunit nagpagalíng si Kudarat at naghintay ng pagkakataóng makaganti. Nagtatag siyá ng bagong kuta at tumipon ng mga bagong kapanalig samantalang gumagawa ng mga pagsalakay sa mga himpilan at pook Kristiyano. Muli siyáng sinalakay ng mga Español ngunit umatras lámang siyá sa kabundukan. Sa loob ng mahabàng panahon ay hindi siyá napasuko ng mga mananakop. Ayon kay Cesar Adib Majul (1973), nása tugatog ang kapangyarihan ng sultanatong Magindanaw sa panahon ni Kudarat, ang  kauna-unahang  nagpatawag  sa  sarili  na  “sultan,”  at ang kaniyang kamatayan noong 1571 ay naging senyas ng unti-unting paghinà at pagkahati ng sultanato. (VSA)

Cite this article as: Kudarat. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kudarat/