Krus ni Magallánes
Ang Krus ni Magallánes (Magellan’s Cross) ang pinaniniwalaang unang krus na itinirik sa bansa. Sinasabing inilagay ito sa utos ni Ferdinand Magellan, isang eksplorador na Portuges na naglayag para sa España at unang nakarating sa Filipinas para sa mga Europeo. Itinayô ang orihinal na krus sa pagdating ng mga Europeo sa Cebu noong Abril 1521.
Ayon sa palatandaan na nakapaskil sa paanan ng krus, ang krus na kasalukuyang nakatanghal sa publiko at gawa sa kahoy ng tindalo ay naglalaman ng mga labí ng oriahinal na krus na itinirik nina Magellan noong 1521 bilang paggunita sa pagbinyag sa Katolisismo kina Raha Humabon ng Cebu, kaniyang asawa, mga anak, at marami sa kanilang mga alagad.
Matatagpuan ang krus sa loob ng isang munti at pabilog na pabelyon sa tabi ng Basilica Minore del Santo Niño sa Kalye Magallanes sa poblasyon ng Lungsod Cebu. Ang simbahan ang isa sa pinakamatanda sa bansa. Maituturing ang krus at munting gusaling kanlungan nitó bilang pinakamahalagang makasaysayang palatandaan at dambana ng Cebu. Makikita sa kisame ng gusali ang isang miyural na naglalarawan sa unang Misa na ginanap sa bansa at ang pagbibinyag ng mga unang Kristiyanong Filipino. (PKJ)