Komisyón
Ang komisyón, mula sa Español na comision, ay isang uri ng pamamahala sa pamamagitan ng isang kalupunán o pangkat ng tagapamahala na nalikha ng batas para sa isang espesyal o espesipikong tungkulin. Noong panahon ng Americano, nagkaroon ng mga komisyon para sa mga tanging gawain sa gobyerno, gaya ng mga komisyong ipinadalá sa Filipinas upang magsiyasat sa tunay na kalagayan sa Filipinas at ng mga komisyon namang ipinadalá ng Filipinas sa Estados Unidos upang maglakad para sa interes ng mga Filipino. Sa kasalukuyang kairalan, ang komisyón ay maaaring binuo at pangmatagalan dahil itinadhana ng konstitusyon, gaya ng Comission on Elections, o binuo para sa isang napapanahong pangangailangan, gaya ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na naatasang tumugaygay sa mga nakatagong yamang dulot ng korupsiyon.
May iba pang komisyon na kailangang malaya sa anumang malaking sangay ng gobyerno upang mangalaga sa katarungan, demokrasya, at kalinisan, gaya ng Komisyon sa Serbisyo Sibil at Komisyon sa Awdit, at Komisyon para sa mga Karapatang Pantao. May mga espesyal na komisyon para sa mga gawaing hindi nasasaklaw ng mga kagawaran sa sangay na ehekutibo, gaya ng Komisyon sa Wikang Filipino, Komisyon sa para sa Kultura at mga Sining. Nilikha ang mga naturang komisyon ng mga bukod na lehislasyon. (MJCT)