Komisyón sa Wikàng Filipíno
Ang Komisyón sa Wikàng Filipíno ang pangunahing ahensiya ng pamahalaan na may katungkulang magsagawa ng mga pananaliksik, paglilinang, pagpapalaganap, at pagpapaunlad ng Filipino at iba pang wika sa bansa. Nilikha ito bilang pagtupad sa tadhana ng Konstitusyong 1987 at alinsunod sa Batas Republika Blg. 7104 na nilagdaan ni Pangulong Corazon Aquino noong 14 Agosto 1991. Ang Komisyon ay binubuo ng labing-isang (11) komisyoner na kumakatawan sa mga pangunahing wika at mga kaugnay na larang ng pag-aaral sa Filipinas, at pinangungunahan ng isang punòng komisyoner. Ang KWF ay may sekretaryat at mga empleado na nása ilalim ng pangangasiwa ng isang Direktor Heneral. Ang KWF ay isa sa mga kaanib na ahensiya ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at Sining.
Nagsimula ang kasaysayan ng KWF sa naging adhika ng Konstitusyong 1935 na magkaroon ng isang Wikang Pambansa batay sa isang katutubong wika ng Filipinas. Itinatag sa bisà ng Batas Komonwelt Blg. 184 s. 1936 ang National Language Institute upang sundin ang tadhanang pangwika ng saligang-batas. Ang naturang ahensiya ay nabuo noong 1937 at naging popular sa tawag na Surian ng Wikang Pambansa (Institute of National Language). Ipinahayag nitó noong 30 Disyembre 1937 ang Tagalog bilang wikang batayan ng Wikang Pambansa. Noong 1959, ipinatawag na “Pilipino” ang Wikang Pambansa sa isang kautusang pangkagawaran ni Kalihim Jose B. Romero, na naging “Filipino” sang-ayon sa Konstitusyong 1973. Pinagtibay ang naturang pangalan sa Konstitusyong 1987 bukod sa ibang dagdag na tadhana hinggil sa implementasyon nitó. Samantala, binago ang estruktura ng SWP sa pamamagi- tan ng atas ni Pangulong Aquino noong 30 Enero 1987 na lumilikha sa Linangan ng mga Wika ng Filipinas. Ang Linangan ang pinalitan ng kasalukuyang Komisyón sa Wikang Filipino.
Mahalagang layunin ng KWF na pandayin ang wikang Filipino upang magamit ito sa pambansang pag-unlad at pagkakaisa. Tungkulin rin nito na panatilihin ang pagyabong ng iba pang katutubo at rehiyonal na wika sa Filipinas. Kaugnay nitó, tungkulin ng KWF ang pagbalangkas ng mga patakaran at kaukulang mga programa at saliksik upang mapayabong ang Filipino at mapalaganap itong wika ng komunikasyon at edukasyon sa buong bansa. (SMP)