kípot

Geology, water, channel

Ang kípot ay isang makitid at mahabàng lawas ng tubigan na nása pagitan ng dalawang masa ng lupa at nag-uugnay sa dalawang malaking lawas ng tubigan. Strait ang karaniwang tawag dito sa Ingles bagaman maaari din itong tumukoy sa tsanel (channel) na nadadaanan ng sasakyang-dagat. Maaaring maging mahalaga ang kípot dahil ruta ito ng mga paglalakbay-dagat at marami nang giyera ang naganap para sa pag-aari at pagkon-trol ng mga ganitong kípot.

Isang halimbawa ang Kípot Gibraltar, na nag-uugnay sa Karagatáng Atlantiko at Dágat Mediteraneo at nása pagitan ng mga kontinente ng Europa at Aprika. Sa kakiputan ng Kipot Gibraltar ay maaaring matawid ang dalawang nabanggit na kontinente sa pamamagitan ng lantsa sa loob ng 35 minuto. Mahalaga rin sa nabegasyon at komersiyo ang Kípot Dover sa pagitan ng England at France, ang Kípot Hormuz sa pagitan ng Gulpong Persian at Gulpong Oman na dinadaan ng mga tangker ng langis, ang Kípot Malacca sa pagitan ng peninsulang Malaysia at Sumatra at nag-uugnay sa Karagatang Indian at Dagat China kayâ isa sa pinakaabaláng pook pangnabegasyon sa mundo.

Ang Kípot San Juanico ang pinakamakitid na kípot sa Filipinas at nása pagitan ng Samar at Leyte. May súkat itong dalawang kilometro at may nagtuturing na pinakamakipot sa buong mundo. Ipinatayô dito ang Tulay San Juanico noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos, at ang tulay ay itinuturing namang pinakamahabàng tulay sa Filipinas. (VSA)

Cite this article as: kípot. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kipot/