Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

kintsáy

Flora, plants, vegetable, medicinal plants

Ang kíntsáy (Apium graveolens) o celery ay Chinong apyo na ginagamit na pampalasa sa pagkain. Isa itong tuwid na yerba na hindi lumalaki nang higit sa 30 sm. Ang mga dahon ay nakaayos na tila mga pakpak ng ibon sa isang mahabáng tangkay. Ang mga tangkay ng bulaklak ay maikli, hindi hihigit sa habàng 1 sm, kata-pat ng mga dahon, at nakausbong sa iisang lugar; maliliit at kulay putîng berde ang mga bulaklak. Maliliit ang mga prutas na mayroong kulay na manilaw-nilaw hanggang kayumanggi.

Nililinang na itong matagal sa Europa at hilagang Asia. Ipinakilala naman ito sa Filipinas at mayroong  dalawang uri nitó sa bansa: una, ang kintsay na tulad ng malawakang nililinang sa China; at pangalawa, ang kintsay sa Baguio na mayroong mas makapal at malalaking tangkay, maputla ang kulay, at mas maliliit sa mga kintsay mula sa lugar na tropikal.

Ang tangkay at dahon ay ginagamit na sahog sa maraming putahe, gaya ng pansit, tsapsuy, batsoy, at iba pa. Mapagkukunan ng calcium, iron, at bitamina A, B, at C, ang juice na gawa dito ay maaaring inuming pampagana o pampatunaw. Ang pinakuluang kintsay ay pinapaniwalaang nakapagpapaihi, nakapagpaparegla, at nakapagpapagalíng ng bato, at nakaaalis ng lasong nása katawan. Ang pagtatapal ay mainam sa pamamaga, lagnat, at sakit sa tiyan. Ang pagsinghot sa dinurog na buto ay pangontra sa hika. Ang ugat ay sinasabing pampataas ng libido. Ang langis naman ay nagagamit sa paggawa ng pabango. (KLL)

Cite this article as: kintsáy. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kintsay/