kawáyan
Bamboo, Flora, grass
Ang kawáyan (Bambusa blumeana) ay alinman sa mga damong tropiko na animo’y punongkahoy, matibay, karaniwang may hungkag na uhay, patulis na dahon, at na-mumulaklak pagkaraan ng mahabàng taon ng pagtubò.
Maraming pakinabang ang kawayan. Dahil matibay, ma-dalas itong gamitin sa konstruksiyon, halimbawa, ng bahay-kubo. Ginagamit din ito sa paggawa ng mga kasangkapan sa bahay gaya ng mesa, bangko, papag, aparador, at marami pang iba. Ginagamit din ang kawayan sa pag-gawa ng papel. Katunayan, noong 1860 ginamit ng Bataan Pulp and Paper Mills Inc. (BPPMI) ang kawayan sa paggawa ng dekalidad na mga papel. Ang murang usbong ng kawayan, tinatawag na labong, ay kalimitang ginagawang atsara. May iba namang iniluluto ito bilang gulay.
Mabilis lumaki ang kawayan. Ang paglaki at pagtubò ng kawayan ay depende sa makukuha nitóng tubig, sikat ng araw, nutrisyon at iba pang pangangailangan nito sa paglaki. Ang karaniwang taas ng kawayan ay umaabot ng 15-40 talampakan, depende sa uri nito. Nabubuhay ito sa maiinit na lugar. Madalang lang kung mamulaklak ang halos lahat ng klase ng kawayan. Sa katunayan, marami sa mga ito ay namumulaklak lamang pagkaraan ng 65 hanggang 120 taon. Espesyal na kawayan ang buhò dahil napakanipis ng balat nito at nilalála bilang sawali, gayun-din ang bukawe na makapal naman ang balat at nilalapát bilang pantali ng binigkis na palay.
Sa Filipinas, ang kawayan ay malaking bahagi ng kultura dahil kaugnay ito ng iba’t ibang tradisyon, pagdiriwang, at paniniwala. Halimbawa, sa panitikan, ayon sa alamat, ang unang lalaki at unang babae ay nagmula sa isang pirasong kawayan. Sa sayaw, ang bantog na tinikling, singkil at subli ay isinasayaw gamit ang kawayan. Sa musika, ginagamit din ang kawayan sa paggawa ng iba’t ibang klase ng instrumentong pangmusika. Maging ang mga katutubong laro gaya ng luksong kawayan at palosebo ay gumagamit ng damong tropikong ito.
Ang kawayan ay tinatawag ding aonoo, dugian, kabugawan, marurugi, rugian, kawayan at kawayan-totoo (Bikol), batakan, pawa at kaaono (Bisaya), baugin (Pam-pango), kawayan at kawayan-gid (Panay Bisaya), kaway-an (Bontok at Cebu Bisaya), kawayan, kawayan-ng-bay-og at kawayan-ng-sitan (Iloko), kawayan at kawayan-tinik (Tagalog), kawayan-potog (Sambali), lamnuan (Isinai), at pasingan (Ibanag). (ACAL)