katúray
Flora, flowers, medicinal plants
Ang katúray (Sesbania grandiflora (Linn.) Pers.) ay isang malaking punò na umaabot sa 12 m ang taas. May mga dahon ito sa tagiliran ng mga maliliit nitóng mga tangkay at namumulaklak ito ng kulay putî na 7-9 sm ang habà.
Matibay ang punò ng katúray dahil nabubuhay ito kahit sa tigang na lupa. Isa sa mga lugar na maraming katuray ay ang rehiyon ng Ilocos. Isa sa mga importanteng sangkap sa pagluluto ng mga Ilokano ang katuray dahil sa taglay nitóng mapait na lasa. Mapait at hindi maganda ang lasa ng bulaklak ng katuray kung kakainin ito nang hilaw. Bago magamit ang katuray sa iba’t ibang putahe, kailangan munang alisin ang panlabas na kabuuan ng dahon ng bulaklak, ang mga butil na nagtataglay ng polen at matatagpuan sa loob ng envelop ng bulaklak, at ang bahagi sa gitna ng bu-laklak na may mga buto. Maaari itong pakuluan sa tubig para maalis ang pait nitó.
May iba’t ibang gamit din ito sa panggagamot . Sa Filipinas, gi-nagamit ito sa paggamot sa mgatáong umuubo na may kasámang dugo. Ang katuray ay mayaman din sa kalsiyum, bitamina B, at iron. Ang katúray ay tinatawag din na gauai-gauai sa Bisaya, kambang-turi sa Sulu, katuday sa Iloko at Ibanag, at katuray sa Pangasinense. (ACAL)