katmón

Flora, trees, fruits

Isang laging-lungti at hindi kataasang punongkahoy ang katmón (Dillenia philippinensis) , katutubo sa Filipinas, at tumutubò nang ilahas sa mga kagubatan. Umaabot ito sa taas na 10-14 m, nagkakasanga sa kalagitnaan ng punò, makinis ang balát na may mabababaw na lamat. Ang mga dahon ay makintab, mala-katad, eliptiko, 12-25 sentimentro ang habà at bahagyang magaspang ang gilid. May malaki ito at putîng bulaklak, at bunga na bilugan, lungtian ang balát, at maasim kapag kinain. Tinatawag din itong biskan, palali, at ka-lambog sa ibang mga wika ng Filipinas.

Ang balát ng punò ng katmón ay nakukunan ng katas na pangkulay (dye). Ang prutas, kahit maasim, ay masarap na himagas kapag nása gubat. Minamatamis din ito o ipinansisigang sa isda. Ang katas ng katmon na hinaluan ng asukal ay gamot sa ubo. (VSA)

Cite this article as: katmón. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/katmon/