Katarúngan
Ang salitang katarúngan ay likhang salita nitóng ika-20 siglo upang itapat sa hustísya (justicia) ng Español. Nilikha ito mula sa salitang Sebwano na taróng na katumbas ng tuwid o ng pantay na pagtingin sa bagay-bagay. Ang salitang-ugat mulang Sebwano ay nilagyan ng mga panlaping ka- at –an upang katawanin ang mga dalumat kaugnay ng tuwid at pantay na pagtingin sa lahat ng mamamayan sa ilalim ng batas.
Sa kasalukuyang pamahalaan, may sistema ng mga hukuman na lumilitis at nagpapasiya sa mga kaso at isyung idinudulog ng mga mamamayan, kapisanan, at institusyon. Dinidinig at binibigyan ng desisyon ang anumang kaso alinsunod sa mga tuntunin at batas ng bansa. May nakatalagang hukuman para sa mga bayan at lungsod, may tanging hukuman para sa mga tanging kaso, may hukumang unang dulugan, at may Kataas- taasang Hukuman o Korte Suprema para sa pangwakas na pagdinig at hatol. Ang Kataas-taasang Hukuman din ang nangangasiwa sa sistema ng mga hukuman sa buong bansa. Higit sa lahat, ang Kataas-taasang Hukuman ang nagpapasiya hinggil sa konstitusyonalidad o sa pag-alinsunod o hindi ng anumang batas ng Kongreso o aksiyon ng Pangulo sa Konstitusyon.
Ang Kagawaran ng Katarungan (DOJ) ay ang sangay ehekutibo ng pamahalaan ng Filipinas na may layuning pagtibayin at ipagtanggol ang paghahari ng batas sa bansa. Ito ang pangunahing ahensiyang pambatas at nagsisilbing tagapayong legal at tagasakdal ng gobyerno. Pinamumunuan ito ng Kalihim ng Katarungan na itinatalaga ng Pangulo ng Filipinas at Komisyon sa Paghirang (COA) at nabibilang sa Gabinete.
Kinikilalang simula ng DOJ ang Rebolusyonaryong Pulong sa Naic, Cavite noong 17 Abril 1897. Ang departamentong pinamunuan ni Severino de las Alas ay may tungkuling itatag at palaganapin ang sistema ng batas sa pamahalaang mapanghimagsik. Hindi naisama ang kagawaran sa Gabinete ng Biyak-na-Bato ni Emilio Aguinaldo noong Nobyembre 1897. Nang ideklara ang kalayaan noong 12 Hulyo 1898, binuhay ni Aguinaldo ang kagawaran sa pamamagitan ng isang dekreto noong 26 Setyembre 1898. Ngunit muli itong nawala sa Gabinete nang itatag ang Unang Republika noong 1899. Nang sakupin ng mga Americano ang Filipinas, itinatag ng pamahalaang militar ang Office of the Attorney of the Supreme Court na naging Office of the Attorney General noong 11 Hunyo 1901 at Department of Finance and Justice noong 1 Setyembre 1901. Nakapagsarili ang DOJ noong 1916 sa pamamagitan ng Jones Law at binigyan ng kapangyarihan sa lahat ng courts of first instance at iba pang mababàng korte sa bansa.
Sa kasalukuyan, nása ilalim ng DOJ ang Kawanihan ng mga Bilangguan (BuCor), Kawanihan ng Imigrasyon (BI), Land Registration Authority (LRA), Pambansang Kawanihan ng Pagsisiyasat (NBI), Office of the Government Corporate Counsel (OGCC), Tanggapan ng Tagausig Panlahat (OSG), Pangasiwaan ng Parol at Probasyon (PPA), Presidential Commission on Good Government (PCGG), at Public Attorney’s Office (PAO). (KLL)