Kátaás-taásang Hukúman

Ang Kátaás-taásang Hukúman o Kórte Supréma ang pinakamataas na hukuman sa bansa na nilikha ayon sa Saligang Batas ng Filipinas. Pangunahing katungkulan nito na ipaliwanag ang mga batas at magpasiya higgil sa wastong interpretasyon ng pagpapairal ng mga ito. Tungkulin ng Kátaás-taásang Hukuman na litisin ang mga kaso ng paglabag sa konstitusyon, suriin ang batayang legal ng pagpapataw ng buwis, repasuhin ang mga inapelang kaso mula sa mababàng hukuman, at magbigay ng pangwakas na desisyon sa mga kasong may parusang habambuhay na pagkabilanggo. Ang Kátaás-taásang Hukuman din ang nangangasiwa sa lahatng hukuman sa Filipinas.

Noong panahon ng kolonyalismong Español, ang Audiencia Real ang nagsilbing pinakamataas na hukuman sa Filipinas. Nang sakupin ng Estados Unidos ang bansa, itinatag ng mga Americano ang unang Kátaás-taásang Hukuman sa pangalang Ingles nitó, ang Supreme Court, noong 11 Hunyo 1901 at pinagtibay ng Philippine Bill ng 1902. Si Cayetano Arellano ang nahirang na unang Punòng Mahistrado. Mula 1901 hanggang 1935, ang kalakhan ng mga mahistrado ng Kátaás-taásang Hukuman ay mga Americano, bagaman Filipino ang palaging itinatalagang Punòng Mahistrado. Nakamit lámang ang lubos na Filipinisasyon ng mataas na hukuman nang itatag ang pamahalaang Komonwelt noong 1935.

Sa kasalukuyan, ang Kátaás-taásang Hukuman ay binubuo ng isang Punòng Mahistrado at 14 kasangguning mahistrado. Ang bawat magiging kasapi ng mataas na hukuman, kabilang na ang Punòng Mahistrado, ay pinipilì ng Pangulo ng Filipinas mula sa listahan ng tatlong nominado na rekemondado ng Judicial Bar Council. Ang pagtatalaga sa isang mahistrado ay hindi na kailangang pagtibayin ng Kongreso ng Filipinas.

Kabilang sa mga naging Mahistrado sina Cayetano Arellano (Hun. 11, 1901—Abr. 1, 1920), Victorino Mapa (Hul. 1, 1920—Okt. 31, 1921), Manuel Araullo (Nob. 1, 1921—Hul. 26, 1924), Ramon Avanceña (Abr. 1, 1925—Dis. 24, 1941), Jose Abad Santos (Dis. 24, 1941—Mayo 7, 1942), Jose Yulo (Peb. 5, 1942—Hul.  9, 1945), Manuel Moran (Hul.  9, 1945—Mar.  20, 1951), Ricardo Paras  (Abr. 2, 1951—Peb. 17, 1961), Cesar Bengson (Abr. 28,   1961— Mayo 29, 1966), Roberto Concepcion (Hun. 17,   1966—Abr. 18, 1973), Querube Makalintal (Okt. 21, 1973—Dis. 22, 1975), Fred Ruiz Castro (Ene. 5, 1976—Abr. 19, 1979), Enrique  Fernando  (Hul.  2, 1979—Hul.  24,  1985), Felix Makasiar (Hul. 25, 1985—Nob. 19, 1985), Ramon Aquino(Nob. 20, 1985—Mar. 6, 1986), Claudio Teehankee (Abr. 2, 1986—Abr. 18, 1988), Pedro Yap (Abr. 18—Hul. 1, 1988), Marcelo  Fernan  (Hul. 1, 1988—Dis.  6, 1991), Andres Narvasa (Dis. 8, 1991—Nob. 30, 1998), Hilario Davide, Jr. (Nob. 30, 1998—Dis. 20, 2005), Artemio Panganiban (Dis. 20, 2005—Dis. 7, 2006), Reynato Puno (Dis. 8, 2006— Mayo 17, 2010), Renato Corona (Mayo 17, 2010—Mayo29, 2012). (SMP)

Cite this article as: Kataas-taasang Hukuman. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/kataas-taasang-hukuman/

Related Articles